in

Service Charge Bill, nilagdaan na ni Pangulong Duterte; 100% service charge, ibibigay sa manggagawa ng mga hotel at restaurants

Pormal ng nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagbibigay karapatan sa sa mga manggagawa ng mga hotel at restaurants na makuha ang 100% service charge mula sa mga kustomer.

Nakasaad sa Republic Act No. 11360 o Service Incentive Law na nilagdaan noong ika-7 ng Agosto 2019, lahat ng rank-and-file at supervisory employees ay may karapatan nang makuha ang 100% service charge taliwas sa dating umiiral na Article 96 ng Labor Code of the Philippines kung saan 85% lamang ang natatanggap ng mga maggagawa.

Samantala, malinaw ding nakasaad dito na ang mga manggagawa na nasa “managerial” position ay hindi kasama sa nasabing benepisyo.

Sakali namang magkaroon ng increase sa minimium wage, iniutos rin ng bagong batas na hindi dapat gawing batayan ng mga employer ang service charge.

Minamandato rin ng batas na magkaroon ng “grievance mechanism” o paraan para maayos ang ano mang reklamo at hindi pagkakaunawaan ng employer at ng employee.

Sakali mang walang ganitong mekanismo, ang regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang siyang hahawak ng mga reklamo.

Ayon kay Senator Joel Villanueva, Chairman ng Senate Committee on Labor, ang nasabing batas ang magiging tugon sa 40 taong kalbaryo ng mga hospitality workers.

“Sa wakas, natapos na rin po natin ang laban ng ating mga manggagawa sa services sector na matagal nang hinihiling ang buong pagbabahagi ng service charge sa mga nagbibigay ng serbisyo sa mga restaurant, hotel, at mga katulad na establisyimento,” ani Villanueva.

“The law allows our frontline service workers to enjoy the fruits of their labor, the reward for providing good, quality service,” dagdag pa ng Senador.

Para sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), tumataas ang morale ng mga manggagawa at nagiging produktibo sila sa hakbang na ito. Hangad din nila na sumunod ang mga manggagawa.

“The law will definitely improve the take home pay of workers during these times when they badly needed cash money to cope with the rising cost of living. This measure will also boost employees’ morale to be loyal and improve productivity… We earnestly hope that all business owners and employers will fully comply,” anang TUCP sa pahayag.

Inaatasan din ang DOLE na gumawa ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 60 araw matapos ang effectivity ng batas.