≡ Menu

Malacañang sa pag-iingay ni Antonio Trillanes: Who is he? Wala na siya sa Senado

Malacañang sa pag-iingay ni Antonio Trillanes: Who is he? Wala na siya sa Senado

Ayaw pag-aksayahan pa ng panahon ng Malacañang ang mga pag-iingay ni dating Senator Antonio Trillanes IV.

Kasunod ito ng naging pahayag ni Trillanes na nagkasala umano ng plunder si Pangulong Rodrigo Duterte matapos aminin sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na namagitan sila ng kanyang dating top aide at ngayon ay Senator Bong Go sa frigate deal sa Philippine Navy.

“Duterte’s admission of his and Bong Go’s involvement in the frigate scam is actually an admission to the crime of plunder,” saad sa inilabas na statement ni Trillanes.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala na sa Senado si Trillanes kaya walang dahilan para sumagot pa ang Malacañang.

“Who is he? Wala na siya sa Senado ha,” ang maiksing pahayag ni Panelo.

Matatandaang inihayag ng Malacañang na hindi na sila sasagot pa sa mga pag-iingay ni Trillanes dahil wala namang kabuluhan ang mga ipinag-iingay at mga banat nito laban kay Pangulong Duterte.

Idinagdag pa ni Panelo na hindi sila sumasagot sa mga walang kuwenta.

“We don’t respond to non-sense,” dagdag pa ni Panelo.

Magugunitang special mention si Trillanes sa SONA matapos ungkatin ng Pangulo ang frigates deal fiasco na binunyag ni Trillanes.

Paliwanag ng Pangulo, kaya nagtungo aniya ang Korean government sa Malacañang ay para magreklamo kung bakit wala pang request for delivery kaya sinabihan niya si Go na ayusin ito.