BAD JOURNALISM: SPOX Roque sa cyberlibel conviction ni Rappler CEO Maria Ressa

BAD JOURNALISM: SPOX Roque sa cyberlibel conviction ni Rappler CEO Maria Ressa

Sinagot ng Palasyo ang pag-iingay ng mga kritiko ng gobyerno kaugnay sa guilty verdict kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa sa cyber libel case nito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na huwag ipilit ng mga tagasuporta ni Ressa na pagsikil sa malayang pamamahayag ang hatol ng judge dahil malinaw na kaso ito ng “bad journalism”.

Hindi rin aniya nagawa ng husto ng mga nagtanggol kay Ressa ang pag-aabugado ng mga ito kaya natalo sa korte ang kanilang kliyente.

“The decision speaks for itself that is her defense. There is no suppression of freedom of the press. It was a bad journalism. It was a case of bad lawyering,” ani Roque.

Diin ni Roque na walang epekto sa kaso at sa desisyon ni Judge Rainelda Montesa ang pag-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang asawa sa isang korte sa Makati City.

Sinabi ni Roque na bago makarating kay Pangulong Duterte ang mga judicial appointment ay dumadaan muna ito sa Judicial and Bar Council at sa Presidential Management Staff office bago makarating sa lamesa ng Presidente.

Isa aniyang malaking insulto sa judicial system na pilit ikinakabit ang appointment ng asawa ni Judge Montesa sa desisyon ng hawak nitong kaso ni Ressa.

“I think that’s unfair to the judicial system. Just because the judges or the relative are appointees of the President would mean the decisions of the courts will be tainted,” dagdag ni Roque.

Dapat tumutok sa tunay na isyu ang mga kritiko dahil malinaw na may nilabag si Ressa nang siraan nito ang pagkatao ni Wilfredo Keng.

Source: Abante News