Alyas Bikoy na nag-uugnay sa pamilya Duterte sa iligal na droga, arestado na ng NBI

Alyas Bikoy na nag-uugnay sa pamilya Duterte sa iligal na droga, arestado na ng NBI

Hawak na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” video na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamilya nito sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na ang NBI Cybercrime Division mismo ang nagsilbi ng search warrant laban kay alyas Bikoy na nakatago ang mukha habang nagsasalita sa naturang video.

Nakipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) Cybercrime office ang NBI para arestuhin ang suspek na nasa likod ng nagpapakalat ng black propaganda videos sa Youtube.

“I can confirm that a search warrant was served by the NBI Cybercrime Division. The operation was made in coordination with the Department of Justice Cybercrime office,” ani Guevarra.

Aminado naman si Guevarra na hindi na nila isinapubliko ang pagsisimula ng kanilang imbestigasyon sa isyu para hindi ito masunog.

Ang pag-aresto kay alyas Bikoy ay ginawa aniya ng NBI matapos madiskubre ng mga tauhan nito ang mga ebidensya na nag-uugnay sa naarestong personalidad at sa video.

Mababatid sa video na lumabas noong nakaraang buwan, inamin ni “Bikoy” na dati itong miyembro ng drug syndicate at idinawit ang pamilya ni Duterte na sangkot sa operasyon ng illegal drug syndicate na kilalang “Davao Group.”

Inakusahan din ni “Bikoy” si dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, presidential son Paolo Duterte at Veronica, Honeylet Avanceña at anak na si Kitty maging sina Manases Carpio na asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatanggap umano ng milyong halaga mula sa drug ring.