fbpx
≡ Menu

Konstruksyon ng P9-B Terminal 2 ng Clark International Airport, 70% na ang natatapos

Nakatakdang buksan sa 2020 ang ginagawang Terminal 2 ng Clark International Airport (CRK) na ngayo’y nasa 70% na ang progreso ng konstruksyon.

Ang pagbubukas ng paliparan ay magiging pinakabagong premiere gateway ng Pilipinas sa Southeast Asia.

Sa lapad na 110,000 square meters na gusali ng Terminal 2, kaya nitong maglulan ng 80 million na pasahero kada taon habang sa taas na 22 metro, ito na rin aniya ang “pinakamatangkad na airport” sa buong Pilipinas.

Base naman sa mga rendisyon ng bagong terminal, magkakaroon ng 17 air bridge tubes o iyong dinadaanan ng mga pasahero upang makasakay sa nakaparadang eroplano mula sa gusali ng airport.

May halagang P9 billion ang inilaan sa proyekto mula sa sariling kita ng BCDA.

Itinatayo ito ng kontratistang Megawide Corporation sa tulong ng Changi Airport ng Singapore.

Samantala, kasabay ng pagbubukas Terminal 2 sa 2020 ang pagkakaroon ng pangalawang runway ng CRK habang inihahanda na rin ang disenyo ng ikatlong runway nito.

Ayon kay CRK President Jaime Alberto Melo, aabot sa 29 na local destinations at 10 foreign destinations ang mga flights na lumilipad mula pa lamang sa kasalukuyang Terminal 1.

Mas lalo pa aniyang dadami ang lalapag at lilipad kapag nagsimula na ang operasyon ng Terminal 2.