10,000 fried chicken, ipinamigay sa mga distrito ng Davao City na may pinakamababang kaso ng COVID-19

10,000 fried chicken, ipinamigay sa mga distrito ng Davao City na may pinakamababang kaso ng COVID-19

Tinupad ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang kanyang pangako na magbibigay ng 10,000 na fried chicken sa mga distrito ng Davao City na may pinakamababang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nagwagi ang Cluster 4 at 5 na may 7 na COVID-19 cases. Sa Cluster 1 naman ay may 106 na COVID-19 cases, sa Cluster 2 at 3, may 43 cases, habang sa Cluster 6 ay may 8 cases.

Ibinahagi sa mga residente sa distrito ng Toril, Calinan, Tugbok, Baguio, at Marilog ang libo-libong fried chicken meal at juice bilang premyo sa naturang hamon ng alkalde.

Kahit dinagsa ng mga residente ang distribution center, sumusunod sila sa physical distancing at may suot din na kani-kaniyang face mask.

Ayon sa mga residente, sikreto umano sa mababang bilang ng COVID-19 cases sa kani-kanilang distrito ang pagsunod sa “stay at home” na mandato ng gobyerno.

Sa panahon ng enhanced community quarantine, nahati sa anim na cluster ang Davao City, ang binubuo ng isa o maraming political districts.

“Sana ay wala nang madagdagan sa mga positive ninyo. ‘Yan lang ang aking tanging wish para sa inyo. Tugbok, Toril, Calinan, Marilog, and Baguio,” ayon kay Mayor Sara Duterte.

Isa ang Davao City sa mga lugar na mag-eextend ang general community quarantine hanggang sa Hunyo 15.

Sa ngayon, may 253 COVID-19 cases ang lungsod, kung saan 117 nito ay gumaling na sa sakit.

MAYOR SARA SA BALIK ESKWELA

Naniniwala si Mayor Sara na hindi dapat maantala ang pag-aaral ng mga bata dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa alkalde, kung iuurong ang pagbubukas ng klase at halimbawang pagdating ng Setyembre ay umakyat sa isang milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa, posibleng maantala muli ang pasukan.

Aniya k,ung madadagdagan pa ang kaso sa Nobyembre muling mauurong ang pag-aaral ng mga bata.

Giit ni Mayor Sara na hindi ibig sabihin ng pagbabalik eskwela ng mga bata ay kailangan na pisikal silang nasa paaralan.

Sinabi ng alkalde na batay sa guidelines na inilabas ng IATF para sa sektor ng edukasyon maaaring magkaroon ng online classes at offline modes of learning para sa public at private school.