Liberal Party, bukas na makipag-alyansa kay Manny Pacquiao kung sakaling patalsikin sa PDP-Laban

Bukas umano ang Liberal Party (LP) sa posibleng pagbuo ng alyansa kay Senator Manny Pacquiao kung sakaling patalsikin ito sa PDP-Laban.

Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, stalwart ng LP, inaasahan na niya na patatalsikin si Sen. Manny Pacquiao bilang PDP-Laban president sa  darating na national assembly sa Hulyo 17 ng partido.

Aniya, ang pagkakawatak-watak ng ruling party na PDP-Laban ang makakatulong sa oposisyon sa 2022 national at local elections sakaling hindi maayos ang gusot sa pagitan ng mga lider ng ruling party.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang girian sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Manny Pacquaio dahil sa isyu ng umano’y kurapsyon sa kasalukuyang administrasyon.

Nauna nang kumasa si Pacquaio sa hamon ng Pangulo na pangalanan at maglabas ng ebidensya sa mga tanggapan ng gobyerno na umanoy may nangyayaring katiwalian.