in

Higit 400 aftershocks naitala kasunod ng magnitude 6.1 na lindol; mga pagyanig, magpapatuloy hanggang Mayo

Aabot sa sa higit 400 ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na aftershocks sa huling tala dakong alas-7 ng umaga ngayong Martes, Abril 23, kasunod ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Luzon nitong Lunes.

Sa naturang bilang, walo ang naramdaman habang 62 ang “plotted,” ibig sabihin ang kanilang epicenter ay natukoy, ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum.

Ang natitirang iba pa ay masiyado nang mahina para malaman ang kinaroroonan nito.

Ang mga naitalang magnitude ay naglalaro lamang sa 1.4 hanggang 3.4.

Natagpuan ang epicenter ng magnitude 6.1 na lindol sa bayan ng Castillejos, Zambales, nasa 100 kilometers northeast ng Maynila, ayon sa PHIVOLCS.

Samantala, ikinalugod naman ni Solidum na mataas na ang awareness ng publiko hinggil sa kaalaman sa mga hakbang na dapat gawin sakaling makaranas muli ng malakas na pagyanig.

Hindi pa aniya nila matutukoy sa ngayon kung kailan tatama ang tinatawag nilang “Big One” o ang mas malakas pang mararanasang lindol sa bansa.

Nagpaalala si Solidum na gawing batayan ang naging karanasan sa mga nangyaring lindol upang mas maging handa sakaling dumating ang hagupit ng kalikasan.

Kitang-kita kung papaano gumalaw ang isang condo sa Quezon City habang niyayanig ng lindol.

Kuha sa dashcam ni Earl Cunanan ang pagkataranta ng mga tao sa Santo Rosario sa Angeles City, Pampanga