in

4-anyos na bata, patay matapos bugbugin ng kanyang amain sa Pangasinan

Tinutugis na ngayon ng pulisya si Jessie Garbo matapos nitong mapatay sa bugbog ang anak ng kanyang live-in partner.

Kinilala ang biktima na si Erven Piad, 4-anyos, namatay dahil sa pagmamaltrato ng amain sa lungsod ng Bugallon, Pangasinan.

Ayon sa pahayag ng ina ng biktima na si Angela San Andres, nakita niyang magkatabi sa higaan ang suspek at ang kanyang anak.

Aniya, hinataw ng suspek ng walis sa ulo ang kanyang anak.

“Pinapatulog niya po ‘yung anak ko, hindi po natulog po ‘yung anak ko tapos nung hindi natulog, kinuha niya ‘yung walis tambo, pinalo niya sa ulo. Pagkatapos ng pagkapalo niya sa ulo ng anak ko, dumugo ‘yung ulo ng anak ko, may hiwa,” pahayag ni San Andres.

Napansin na raw ni San Andres na tila nanghihina ang anak at namumutla.

“‘Yung nakikita niya na humihiga ‘yung anak ko na parang nanghihina na, binugbog niya po,” ani San Andres.

Doon na ito nilapitan ng suspek at ginulpi hanggang sa tuluyan nang namatay.

Napansin na lamang nila na hindi na gumagalaw ang bata at doon agad nilang isinugod sa ospital ang bata.

Ayon kay P/Maj. Jake Isidro, hepe ng Bugallon Police Station, kapag lumabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon at nakitang responsable din ang ina ng biktima sa kanyang pagkamatay ay kakasuhan din nila ito.

Samantala, sinampahan na ng kasong Homicide na may kinalaman sa Republic Act 7610 o Child Abuse Act ang suspek.

Napag-alaman din na may naging kaso na rin ang suspek na may kaugnayan sa pananakit ngunit nauwi sa areglo.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0