in

Sen. Bato dela Rosa sa paggamit ng transwoman sa female CR: Baka magpanggap na bakla ang mga manyak

Nagpahayag ng alinlangan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa isyu hinggil sa paggamit ng mga transgender woman sa banyo na para sa mga babae.

Ani Dela Rosa, nababahala siya na baka samantalahin at gamitin ng mga “manyak” na magpapanggap lamang na transwoman para makapasok sa CR ng mga babae.

“Pagpasok niya sa CR magbabakla-bakla siya. Magsuot siya ng suot ng babae, ayos bakla. Papasok doon sa loob ng CR ng babae tapos gagawa ng kalokohan doon sa loob,” paliwanag ni Dela Rosa.

Nagpahayag din ng pag-aalala si Senator Cynthia Villar na aniya okay lamang gumamit ng toilets ng mga babae ang mga totoong miyembro ng LGBT pero delikado kung hindi naman sila totoong transwoman.

Idinagdag ni Villar na dapat ay gumawa na lamang ng karagdagang toilet para sa mga LGBT o kaya ay ipagamit muna ang nakalaan para sa mga persons with disabilities (PWD).

Ipinunto ni Villar na may mga pagkakataon na may kuwestiyon pa rin kung totong babae ang gustong gumamit ng CR ng mga babae.

Idinagdag pa niya na hangga’t wala pa aniyang “gender-sensitive” CR ay ipagamit na muna ang CR ng mga PWDs.