fbpx
≡ Menu

Manila Mayor Isko Moreno, ibabalik ang pagpapakain ng nutribun at gatas sa pampublikong mag-aaral

Manila Mayor Isko Moreno, ibabalik ang pagpapakain ng nutribun at gatas sa pampublikong mag-aaral

Bubuhayin ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang pagpapakain ng ‘nutri-bun’ at pagpapainom ng ‘klim milk’ sa lahat ng pampublikong mag-aaral sa elementarya sa Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Moreno, mula kinder hanggang Grade 6 ay pakakainin ng nutri-bun at paiinumin ng gatas dahil prayoridad niya ang kalusugan ng mga batang Manilenyo.

Alam umano niya ang nararamdaman ng isang estud­yante na kumakalam ang tiyan pagpasok sa paaralan kaya titiyakin niya na mabubusog ang mga batang Manilenyo sa paaralan.

Ang iba ay medyo abala ang mga magulang sa kanilang mga trabaho kaya dahil sa pagmamadali ay hindi na napapakain ang mga anak sa pagpasok sa paaralan.

Ang iba naman mga bata ay talagang pumapasok sa paaralan na walang laman ang tiyan dahil kapos ang mga magulang sa pambili ng pagkain.

“Marami sa mga mag-aaral natin na pumapasok sa paaralan na walang laman ang tiyan at gutom, dala na rin siguro ng hirap ng buhay. Alam ko po ang pakiramdam na iyon sapagkat isa rin po ako sa mga batang pumapasok na walang laman ang tiyan,” ayon kay Moreno.

“Kaya po ang pangarap natin sa lungsod ng Maynila ay maibalik ang nutribun at gatas sa loob ng paaralan,” dagdag pa niya.

Naunang ipinamahagi ang nutribun noong dekada ’70 sa mga pampublikong paaralan.

Ang nutribun ay isang uri ng tinapay na nagtataglay ng bitamina at mineral para sa wastong nutrisyon ng mga mag-aaral.

Aniya, kapag busog ang bata ay magiging malusog sila at ganadong mag-aral lalo na at karamihan sa mga bata ay pumapasok na kumakalam ang kanilang mga sikmura.