fbpx
≡ Menu

17-anyos na dalagita, ginahasa at sinikmuraan ng isang pari sa bahay ampunan

Inaakusahan ngayon ang pari na si Rev. Father Daniel Baul ng panggagahasa sa isang 17-anyos na dalagita sa bahay ampunan kung saan siya nakatalaga.

Dahil sa pangyayari, hindi nag-atubili ang mga tauhan ng PNP-Women and Children Protection Center (WCPC) Camp Crame at Angeles PNP na puntahan agad ang ilang lugar sa Pampanga para hanapin si Father Baul.

Nag-isyu na rin ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) Branch 61 sa Angeles City laban sa pari.

“Noong unang araw na nandoon siya ay pinagsamantalahan siya ni Father Baul. Sinikmuraan siya ni Father kung kaya’t walang nakaalam sa nangyari sa kanya,” sabi ni P/LT. Col. Gemma Vinluan.

Naulit muli ang ginawang panggagahasa umano ni Father Baul sa menor de edad at ito ay nangyari sa dalawang hiwalay na okasyon ngayong taon.

Ayon sa nakuhang impormasyon, hindi lang isa ang nabiktima ni Father Baul dahil mayroon pang ikalawang menor de edad na lumutang para isumbong ang pang-aabuso ng pari.

Sa pagtungo ng kapulisan sa Archdiocese of San Fernando ay wala silang nakuhang anumang impormasyon sa kinaroroonan ni Father Baul.

Maaring maharap sa kasong obstruction of justice ang sinumang tumutulong sa pagtatago ni Father Baul.

“Ako ay nananawagan kay Father Baul na mas mabuting humarap siya sa korte upang ipaliwanag ang kanyang sarili. Siya ay inaakusahan pa lang at pagkakataon niya ito para magpaliwanag,” sabi ni Vinluan.