fbpx
≡ Menu

Mandatory ROTC sa grade 11 at 12, sinertipikahang ‘urgent’ ni Pangulong Duterte

Pinabibilisan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasa ng Senado sa panukalang batas na gawing mandatory ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa grade 11 at 12 sa pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ito ay matapos sertipikahang “urgent” ng Pangulo ang nabanggit na panukalang batas.

Sa ipinadalang sulat ng Pangulo sa tanggapan ni Sen. President Vicente Sotto III, hiniling nito na maipasa agad ang Senate Bill 2232 para gawing mandatory ang ROTC.

Nais ng Pangulo na maibalik ang basic military at leadership training sa mga kabataan at mapaigting ang kanilang pagmamahal sa bayan.

“I hereby certify to the necessity of the immediate enactment of Senate Bill 2232 to restore basic military and leadership trainings for the youth in order to invigorate their sense of nationalism and patriotism necessary in defending the State and to further promote their vital role in nation building,” nakasaad sa sulat ng Pangulo kay Sotto na may petsang June 3, 2019.

Nauna nang naipasa nitong Mayo 20 ang bersiyon ng panukalang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso.