fbpx
≡ Menu

Pangulong Duterte, sinisi ang ‘atribidang’ babae na hadlang sa problema ng trapiko sa EDSA

Sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang “atribidang” babaeng pulitiko kaya bigo ang gobyerno na solusyunan ang problema ng matinding trapik sa EDSA.

Sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya ng solar power project sa Romblon, sinabi ng Pangulo na sinisikap nilang malutas ang problema sa EDSA subalit pinagdudahan pa sila sa hinihinging emergency powers.

Dahil dito, nawalan aniya siya ng interes kaya’t hahayaan na lamang na mabulok ang EDSA sa problema sa matinding trapik.

“We need to borrow for EDSA because we need money to just even move one stall there. So ang hinihingi nila emergency powers,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na hindi masamang magkaroon ng krusada subalit para pag-isipan ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno na tiwali ay hindi aniya tama.

“But here comes a lady, atribida ang tawag ko diyan eh. Well its good to be honest, its good to be a crusading public official, no doubt about it. You will be appreciated. But kung sumobra ka, and you think that all elected officials in government are corrupt, oh well then, sabi ko kung ganyan ang pag-iisip niya, huwag na. Let EDSA rot there,” dagdag pa ng Pangulo.

Matatandaan na unang sinabi ng Pangulo na kailangan niya ang emergency powers para magkaroon ng pondo para sa mga proyekto na magreresolba sa trapik sa Metro Manila kabilang ang EDSA.

Hindi pinangalanan ng Pangulo ang babaeng pulitiko pero si Senator Grace Poe, na chairperson ng Senate Committee on Public Services, ang tumatalakay sa isyu ng transportasyon partikular ang trapik sa EDSA.

Noong 17th Congress ay nagsagawa ng mga pagdinig ang komite ni Poe ukol sa panukalang emergency powers para sa Pangulo.

Sinabi ni Poe na kailangan munang magsumite ang Department of Transportation (DOTr) ng listahan ng mga proyekto at traffic management plan para maiwasan ang epekto ng mga infrastracture projects sa matinding trapik.

Ikinatwiran pa ni Poe na hindi maaaring “blanket” ang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo.