Pulis na nagbigay ng $100 sa sinita niyang student rider, nakatanggap ng P100K mula sa anonynomous donor

Pulis na nagbigay ng $100 sa sinita niyang student rider, nakatanggap ng P100K mula sa anonynomous donor

Matapos mag-viral sa social media ang isang maawaing pulis na sa halip na tiketan ay binigyan niya ng $100 ang isang working student na food delivery rider na kaniyang sinita sa Maynila.

Ngayon, ang pulis naman ang nakatanggap ng biyaya mula sa isang tao na humanga sa kaniyang ginawa.

Ipinatawag ni Police Major Ronaldo Santiago, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), sa kaniyang opisina ang good samaritan na si Corporal Jonjon Nacino, para kunwaring pagpapaliwanagin sa isang reklamo laban sa kaniya.

Nasa duty noon sa labas si Nacino kaya wala siyang kamalay-malay sa sorpresang nakahanda sa kaniya.

Pagdating sa himpilan, tinanong ni Santiago si Nacino kung may naaalala itong nagawang pagkakamali sa trabaho habang iniaabot ang isang envelop na pinabubuksan sa kaniya.

Nang makita ni Nacino ang laman ng envelop, nakita niya ang P100,000 na bigay ng isang hindi nagpakilalang donor.

Matatandaan na nag-viral kamakailan si Nacino nang ikuwento sa social media ng working student na food delivery rider na si Joshua Basa, ang pambihirang karanasan niya noong Mayo 16.

Sinabi ni Basa na sinita siya ni Nacino sa isang check-point sa España Boulevard, Manila, dahil sa paglilipat-lipat niya ng linya sa kalsada.

“Habang nakapila po ‘yung mga motorcycle riders sa checkpoint may nakita po akong isang rider na sa kabilang lane dumaan kaya napasunod po ako, nasita po ako ng pulis na tingin ay sumisingit ako,” aniya.

Sa pag-aakala ni Basa na pwedeng magpa-inspect sa kabilang lane kaya dumiretso siya hanggang pahintuin na siya ng pulis para kausapin at kunin ang lisensya.

Katakut-takot na sermon umano ang narinig niya mula sa pulis habang panay paliwanag naman na hindi niya intensyon ang violation.

“Hanggang sa humaba na pakikipag-usap ko sa kanya todo paliwanag lang ako na estudyante lang ako at need lang talaga kumayod para sa sarili ko,” sabi ni Basa.

Pero nang ipaliwanag daw ni Basa ang kaniyang kalagayan habang naiiyak, hindi na siya tinekitan ni Nacino at inabutan pa ng pera na hindi niya kaagad napansin na $100 (P5,000).

Sinabi noon ni Nacino na sadyang itinatabi lang niya sa wallet ang naturang dolyares at ibinigay niya kay Basa para magamit nito para makapagtapos ng pag-aaral.

“Hindi ko po talaga mabigay ang lisensiya ko kasi nanghihinayang ako sa perang ipangtutubos ko. Yung araw ko talaga hindi maganda sa mga na-experience ko sa mga naideliber ko nung araw na yon sa mga kostumer,” kuwento noon ni Basa.

Samantala, labis naman ngayon ang tuwa ni Nacino sa hindi inasahang malaking biyaya na tamang-tama raw daw ilalaan niya sa panganganak ng kaniyang asawa.

“Sa pagpapaanak po ngayon ng misis ko. Buntis po kasi ngayon. Hindi na po mamoroblema sa pagpapaanak,” ani Nacino.

Tumangging magpakilala ng donor na nagbigay ng P100,000 na humanga lang umano sa ipinakitang malasakit ni Nacino sa estudyante.

“Imbis na itago na lang niya ‘yung sariling pera niya sa mga anak, asawa niya, itinulong pa niya sa estudyanteng mas nangangailangan ng tulong. Proud ako sayo, talaga, sana dumami ka pa,” saad ng hepe na labis ang pagkatuwa sa ginawa ni Nacino.