fbpx
≡ Menu

Doble Plaka Law, hindi pwedeng suspendihin; subukan munang maipatupad ayon kay Sen. Richard Gordon

Hindi maaring suspendihin ang isang batas na napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang reaksyon ni Sen. Richard Gordon sa pahayag ng Pangulo na sususpendihin niya ang implementasyon ng Motorcycle Crime Prevention Law o mas kilalang Doble Plaka Law dahil delikado ito para sa mga motorista at masyadong mataas ang multa na P50,000.

Sinabi ni Gordon na napirmahan na ng pangulo ang batas kaya hindi na ito maaring suspendihin.

“Hindi pwedeng suspendehin ang batas. Batas na, pinirmahan na niya ‘yan e,” ani Gordon.

Iginiit din ni Gordon na dapat maipatupad ang batas dahil sa dumaraming reported crimes na sangkot ang mga riding-in-tandem.

Dagdag ni Gordong na hindi na muna pwede ibaba ang multa base sa kagustuhan ng Pangulo.

“Hindi pwede, batas na ‘yan e. Pwede nating i-amend next year,” dagdag ni Gordon.

Ayon kay Gordon, sa gagawin niyang pakikipag-usap sa Pangulo hihikayatin niya itong ikunsidera ang kaniyang naging pahayag.

“Conduction sticker okay na sa akin ‘yun eh, puwede ‘yun eh, kapag nakita mong lumalakad papunta sayo halimbawa agawan ka ng cellphone, may makikita kang kulay agad, color-coded ito, so alam mo halimbawa kung asul ang pinili ng LTO Manila ‘yun, kung pula galing sa Central Luzon, kung berde maaaring galing sa ibang lugar, so may laban na, at limang number lang ang gusto natin, alpha numeric lima lang hindi lalagpas, kaya hinahati-hati natin puwedeng iba-ibang number na iba-ibang kulay may mahahabol at may 24-hour notice.” pahayag ni Gordon.

Maari aniyang na-pressure lang ang Pangulo, lalo at matindi ang propaganda laban sa naturang batas ng mga motorcycle riders.

“Hindi mo puwedeng baguhin ‘yun kailangang amyendahan with all due respect to the President, alam ko syempre ako rin kung minsan kapag humaharap ako sa maraming tao ay sasabihin mo sa lahat na susubukan mo, kung babaguhin natin sa susunod na taon, puwede po nating baguhin ‘yan ako mismo ang magbabago kapag hindi nag-work, pangako ko ‘yan.” dagdag na pahayag ni Gordon.

Muli ring iginiit ni Gordon na sa pamamagitan ng bagong batas na ito ay mababawasan rin ang Extra Judicial Killings (EJKs) sa bansa dahil ang mga motorsiklo ang nagiging “crime machines” sa pagpaslang ng mga ordinaryong tao, kawani ng media, abogado, politiko, huwes at maging mga pulis.