fbpx
≡ Menu

Erwin Tulfo, isasailalim sa ‘Oplan Katok’ kapag hindi isusuko ang mga baril ayon sa PNP

Isasailalim sa “Oplan Katok” ng Philippine National Police (PNP) ang broadcaster na si Erwin Tulfo kapag hindi nito isinuko ang kaniyang mga baril.

Ayon kay PNP Civil Security Group Spokesperson Police Lt. Col. Regina Abanales, ito’y dahil sa paso na o expired ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).

Sakaling isuko ni Erwin ang kaniyang mga armas, sinabi ni Abanales na maaari na nitong asikasuhin ang renewal ng kaniyang lisensiya upang magamit muli ang mga baril.

Una rito, nanawagan ang kapatid ni Erwin na si Raffy sa PNP na hindi dapat bawiin ang lisensiya ng baril nilang magkakapatid lalo’t binawi na rin ng pulisya ang ibinigay sa kanilang security at maritime escorts.

Ipinaliwanag naman ni PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac na ang ipinadalang sulat ng FEO kay Erwin ay ang unang hakbang lamang sa Oplan Katok.

“The PNP has ordered for the recall or temporary custody or safekeeping of the firearms of Erwin Tulfo in as much as the license to own and possess firearms of Mr. Erwin Tulfo has already expired,” saad ni Banac.

“If the LTOPF is already expired, then there is no more authority or reason for an individual to keep firearms, to own firearms even if these firearms are still valid or if the licenses are still valid,” paliwanag pa ni Banac.

Aniya, kapag hindi ito pinansin ni Erwin, susunod na gagawin ng PNP ay kakatukin ang kaniyang bahay.

Maaring isuko ni Tulfo ang kanyang mga baril sa pinakamakapit na police station pero kung hindi pa rin aniya ito tutugon, dito na ipatutupad ng PNP ang search warrant para mabawi ang mga armas.

“If they would apply for a renewal, this would have to go through the normal process. They would undergo a drug test, neuropsychological test, including interview,” tugon ni Banac.