2 barko na may sakay na Chinese nationals, dumaong sa Maynila; ligtas sa coronavirus ayon sa Bureau of Quarantine

2 barko na may sakay na Chinese nationals, dumaong sa Maynila; ligtas sa coronavirus ayon sa Bureau of Quarantine

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na mayroong dalawang barko mula sa China ang dumating sa bansa at nakadaong sa Pier 15 ng Manila South Harbol sa Port Area ng Maynila.

Ang unang barko ay ang MV World Dream Cruise Ship mula sa Hong Kong kung saan lulan ang 778 pasahero.

Samantala, ang ikalawang barko mula pa rin sa China ay ang MV Ligulao.

Pero nilinaw ng PCG na hindi ito nagmula sa Wuhan, China kundi galing sa Lianyungang, Jiangsu, China o halos 900 kilometero ang layo sa pinagmulan ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).

Ayon sa PCG, aalis na rin sa Maynila, Miyerkules (Enero 29), ang MV Ligulao at hindi naman bumaba mula sa barko ang 20 tripulante nito dahil wala silang tinatawag na shore pass.

Hindi na matutuloy ang pagdaong ng MV World Dream Cruise Ship sa Subic at pinababalik na rin ito sa Hong Kong dahil ayaw na itong papasukin pa sa Subic Bay Freeport Zone sa gitna na rin ng pangamba sa coronavirus.

Sa liham na ipinadala ni Mayor Jonathan John Khonghun ng Munisipalidad ng  Subic, Zamabales, umaapela ito sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na pansamantalang itigil muna ang pagtanggap ng mga cruise ship sa Subic hanggat hindi pa kontrolado ang banta ng virus.

Tiniyak ng PCG sa tulong na rin ng Bureau of Quarantine na dumaan sa mabusisi at mandatory inspections ang naturang mga Chinese vessel at kapwa idineklarang cleared at ligtas naman sa coronavirus.

Samantala, nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na hindi nito pinagbabawalang makapasok sa bansa ang mga Chinese national.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, wala silang natatanggap na anumang direktiba mula sa Malacañang o Department of Justice (DOJ) na nag-uutos ng bagong polisiya para bawalan ang mga Chinese sa bansa.

Ginagawa aniya nila ang pagsususpinde sa Visa Upon Arrival (VUA), bilang proactive measure para mabawasan ang pagdagsa ng mga pasahero mula sa mga apektadong lugar at mapigilan ang pagpasok ng coronavirus.

Paliwanag ni Morente, sakaling magkaroon man ng pagbabago sa polisiya patungkol dito, idadaan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) o sa Office of the President base sa magiging abiso ng Department of Health (DOH).

Source: Radyo INQUIRER, Remate