Congo, tinamaan ng bagong Ebola outbreak habang lumalaban sa COVID-19 crisis

Congo, tinamaan ng bagong Ebola outbreak habang lumalaban sa COVID-19 crisis

Panibagong perwisyo ang kinakaharap ng Democratic Republic of Congo hindi pa man nakakabangon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic maging sa measles epidemic sa kanilang lugar.

Ayon sa Health Minister ng Congo na si Eteni Longondo, muling naitala ang panibagong kaso ng Ebola virus sa Mbandaka, isang siyudad sa West Congo kung saan 1.2 million katao ang nakatira.

“We have a new Ebola epidemic in Mbandaka. We are going to very quickly send them the vaccine and medicine,” sabi ni Longondo.

Nasa apat na tao na ang napapatay ng bagong Ebola outbreak, na dapat sana’y idedeklara na ang pagtatapos ng Ebola epidemic sa nasabing bansa matapos ang dalawang taon na pakikipaglaban dito.

Ang Ebola outbreak sa Congo sa mga nakalipas na taon ay kumitil sa buhay ng 2,275 katao.

Hindi pa batid kung papaano napasok ng Ebola ang Mbandaka, na 750 milya ang layo sa pinangyarihan ng outbreak.

Kinumpirma rin ang nasabing virus ng World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus at sinabi sa tweet na “This outbreak is a reminder that #COVID19 is not the only health threat people face.” 

Ito na ang ika-11 outbreak ng deadly virus sa Congo, simula nang una itong madiskubre sa bansa noong 1976.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang Ebola virus ang sanhi ng nakakahawa at nakakamatay na sakit sa tao at mga hayop tulad ng gorilla.

Nakukuha ito sa paghipo o paghawak ng maysakit na positibo sa Ebola, dugo o iba pang “body fluids” mula sa maysakit tulad ng pinagsukahan, laway, dumi, ihi, semilya at mga kontaminadong gamit ng maysakit tulad ng karayom, sapin ng kama at kumot.

Bukod sa Ebola outbreak, naitala rin ang mahigit 3,000 positive case ng COVID-19 sa Congo.

Nandito rin ang world’s largest measles outbreak kung saan naitala ang nasa 350,000 katao na infected ng measles habang 6,500 din ang namatay dahil dito.