PM SENT: DTI, nagbabala sa mga online seller na bawal ang pagsikreto sa presyo ng binebentang produkto

PM SENT: DTI, nagbabala sa mga online seller na bawal ang pagsikreto sa presyo ng binebentang produkto

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga online seller na dapat ilagay nila ang presyo ng kanilang produkto at hindi ipinapadala sa private message sa mga interesadong bumili.

Sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na nakasaad sa Republic Act No. 7581 o Price Act, na isang uri ng profiteering ang pagbebenta ng produkto nang walangprice tag.

“May specific provision doon [sa Price Act] na magiging profiteering siya kung ang produkto ay walang nakakabit na price tag. Kapag in-advertise or you offer it for sale tapos walang price tag, that’s profiteering,” ani Castelo

Bukod sa Price Act, nakasaad sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na, “it shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without discrimination to all buyers.”

“Hindi ipi-PM o personal message at hindi sikreto ang presyo,” saad ni Castelo.

Sinabi naman ni Trade Secretary Ramon Lopez, na nakasaad sa Price Tag Law, na dapat ipakita ng nagbebenta ang presyo ng produktong kaniyang ipinagbibili.

“Tulad din ng pagbenta sa regular groceries or sa shelves ay may price tag. So dapat ito rin ay naka-tamang presyo. Hindi puwede yung nakuwento ninyo na piso or P12345, ganyan. Hindi puwede yon. Dapat ‘yung actual price ang i-indicate doon,” paliwanag  ng kalihim.

Nilinaw ni Lopez na sakop lamang nito ang mga basic necessity at prime commodities na nasa ilalim ng Suggested Retail Price (SRP) ng DTI.

Pero ilang seller via online ang hindi nagsasabi ng presyo ng kanilang produkto at ipinapadala lang sa PM ang halaga kung may interesadong bumili.

“Sa panahon ngayon, sana wala na ho munang mga magsasamantala lalo na sa consumers. Importante, magtulungan ho tayo sa panahon ngayon na may krisis tayo,” sabi ni Lopez.

Inabisuhan ni Lopez ang mga konsyumer na mas maging vigilante at hingiin sa online sellers ang presyo ng mga produktong ibinebenta at kung may reklamo sa kanilang nabiling produkto ay maaaring tumawag sa DTI hotline 1384.