14-anyos na dalagita, pinugutan ng sariling ama dahil nakipagtanan sa 35-anyos na nobyo

14-anyos na dalagita, pinugutan ng sariling ama dahil nakipagtanan sa 35-anyos na nobyo

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 14-anyos na dalagita sa kamay mismo ng sariling ama matapos umanong makipagtanan sa 35-anyos na nobyo.

Sa ulat ng BBC, sinabing nagdulot ng kaguluhan at kaliwa’t kanang protesta sa Iran ang kamatayan ni Romina Ashrafi, dahilan upang arestuhin ng pulisya ang suspek na kinilalang si Reza Ashrafi.

Napag-alaman na gamit daw ang isang karit, pinutol ng akusado ang ulo ng dalagita habang natutulog sa kaniyang kuwarto.

Lumabas din sa imbestigasyon na kumonsulta muna ng abogado si Reza bago isagawa ang tinatawag na “honor killing.”

Nabatid ng suspek na inilagay ng biktima sa kahihiyan ang buong pamilya makaraang sumama sa kasintahan.

Nahanap ng pulisya si Romina pagkaraan ng limang araw na agad sinundo ng mga kaanak.

Sagot naman ng abogado, dahil siya ang ama ng dalagita ay hindi ito mapapatawan ng capital punishment pero posibleng makulong mula tatlo hanggang 10 taon.

Bunsod ng karumal-dumal na sinapit ng dalagita, ipinasa ang panukalang magpaparusa sa sinumang masasangkot sa physical at emotional child abuse pati na rin sa abandonment.

Sa ilalim ng bagong batas, kailangan ipagbigay-alam sa gobyerno at kinauukulan ang mga kaso ng child abuse at mapupunta sa social service protection ang biktima.

Source: Radio Mindanao Network