in

Mga aberya sa vote counting machines, balota, at resibo, naranasan ng mga OFW sa pagsisimula ng overseas absentee voting

Nagkaroon ng ilang aberya sa pagsisimula ng overseas absentee voting (OAV) nitong Sabado, Abril 13, sa ilang lugar na pinagdausan ng botohan tulad sa Hong Kong para sa 2019 midterm elections.

Isa rito ang dalawang vote counting machines sa Hong Kong na nagkaproblema sa unang araw ng OAV.

Hindi kasi binabasa ng makina ang mga balota at ang ilan ay nire-reject pa nito.

Kabilang pa sa mga naging aberya ang pagkawala o hindi kaagad makita sa listahan ang pangalan ng botante.

Ayon sa isang OFW sa Hong Kong, kinailangan na pitong beses na ipasok sa makina ang kaniyang balota bago ito tuluyang binasa.

Ayon kay Consul General Antonio Morales, minomonitor na nila ang mga naging problema sa botohan dahil bukod sa makina, naging problema rin ang hindi tamang pag-shade sa balota ng mga botante, overvoting at problema sa barcode ng balota.

Inulan naman ng reklamo ang Facebook page ng Philippine Embassy in Russia dahil kulang ang nakarating na balota kumpara sa dami ng mga botante — 3,529 ang nagparehistrong botante sa Russia subalit 2,169 lamang ang dumating na mga balota.

Sa Jeddah, Saudi Arabia, may mga OFW na hindi nakaboto dahil wala raw sa listahan ang kanilang mga pangalan.

Mayroon din inabot ng ilang oras bago nakita ang pangalan at pinayagang makaboto.

May nagreklamo rin na naputol ang resibo habang pini-print ito kaya ibibigay nalang sa COMELEC ang pangalan ng mga hindi nakaboto.

Sinita naman ang ilang botante dahil nahuling kinukunan ng picture ang kanilang balota.

Naging maayos at mabilis naman ang botohan sa konsulado ng Pilipinas sa Dubai.

Sinamantala ng karamihan sa mga OFW na walang pasok at maagang bumoto.

Marami rin ang bumoto sa Rome, kabilang na ang mga walk-in registered voters.

Gayunman, walang eleksyon na gagawin sa Damascus sa Syria; Tripoli sa Libya, at Baghdad sa Iraq dahil sa mga kaguluhang nangyayari doon.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0

Leave a Comment