Guro na gumupit sa buhok ng 50 estudyante para disiplinahin ang mga ito, suspendido

Guro na gumupit sa buhok ng 50 estudyante para disiplinahin ang mga ito, suspendido

Suspendido ang isang guro sa Bangladesh matapos gupitan ng buhok ang nasa 50 estudyante para disiplinahin ang mga ito.

Nagdulot ng takot sa mga estudyante ang paggupit ni Sekandar Ali, headmaster ng Joari High School sa bayan ng Baraigram, sabi ng lokal na hepe ng pulisya na si Dilip Kumar Das.

“He randomly ran his scissors on their scalps. He cut hair of around 50 students. Several students said they were injured during the heated moment.”

Nasa 50 estudyante ang nagupitan ng buhok at ilan sa kanila ay nagsabing na-injure sila sa insidente, ayon kay Das.

Ayon sa hepe, makaluma raw ang pag-iisip ng 60-anyos na guro, na ginusto lamang parusahan ang mga estudyante dahil sa mahahabang buhok ng mga ito.

Nagkasa ng protesta ang daan-daang mag-aaral, magulang, at residente sa bayan para aksiyunan ng mga awtoridad ang ginawa ng guro.

Sinuspende ang guro matapos maghain ng pormal na reklamo ng mga estudyante sa lokal na pamahalaan ng bayan.

Bumuo na ng komite ang pamahalaang lokal para imbestigahan ang insidente.

Hindi bago sa primary at high school students sa Bangladesh ang “physical punishment” o pagparusa sa pamamagitan ng pananakit gaya ng pamamalo at pagpapa-squat.

Mababatid na ipinagbawal ng gobyerno ng Bangladesh ang physical punishment noong 2011 kasunod ng mga serye ng mga ulat na may mga estudyanteng nagtamo ng mga kritikal na injury dahil sa caning o pamamalo.

Sakaling mapatunayang nagkasala ng komite, maaaring mawalan ng trabaho ang headmaster at masampahan ng kasong criminal dahil sa pananakit sa mga estudyante.