in

Mayor Isko Moreno, sususpindehin ang rutang Baclaran-Divisoria ng mga jeep dahil sa cutting trip

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno na suspindihin ang mga pampasaherong jeep na may rutang Baclaran-Divisoria para malutas ang cutting trip.

Ito ay dahil umano sa patuloy na natatanggap na mga reklamo ni Mayor Isko, hinggil sa pagka-cutting trip ng mga ito, sa kabila nang nauna na niyang pakiusap na itigil ang naturang gawain.

“We will file a suspension of franchise before the LTFRB. I will not be the complainant. It will be the City of Manila, the City government of Manila will file a suspension of the entire Baclaran-Divisoria line,” pahayag ni Moreno.

Maghahain din aniya ang kanyang gobyerno ng pormal na reklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isuspinde ang prankisa nito.

Ipinaliwanag naman ng ilang jeepney driver na ang makitid na daan sa Divisoria ang dahilan kung bakit nila isinasagawa ang cutting trip.

Gayunman, dismayado si Mayor Isko dahil kahit, aniya, bukas at maluwag na ngayon ang Juan Luna, Binondo, Soler, at Recto ay tuloy pa rin sila sa kanilang ilegal na gawain.

Binalaan din niya ang iba pang tsuper na may rutang MCU-Blumentritt, Cubao-Divisoria, Maypajo-Juan Luna, Faura-PedroGil, at Paco, na isusunod ang mga ito kung hindi titigil sa pagka-cutting trip.

“Noong araw maaaring hindi ko kayo masisi. Kailangang walang kalye, but katulad ngayon, bukas na ang Juan Luna-Binondo, Juan Luna-Tondo, Recto, Solaire. Ang weird naman kasi, binayaran ka ng ‘etneb’ (P20) tapos ang hatid sa’yo ‘posam’ (P10). Unfair naman talaga,” giit ni Moreno.

“These are the backbone of our Divisoria roads and still you continue. Masyado niyong inaabuso ‘yung mga kababayang mahihirap lalo na ‘yung matanda,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Delgra na diringgin ng Board ng LTFRB ang mga reklamo na ihahain ng city hall alinsunod sa polisiya ng ahensya.

“We welcome to partner and in fact, we’ll accept whatever complaints the city will file against any and all public utility jeepneys kahit na anuman, pwede UV Express or taxi na pupunta dito sa Metro Manila na nagti-trip cutting, “ pahayag ni Delgra.

Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01 o ang Revised Schedule of Fines and Penalties for Violations of Laws, Rules and Regulations Governing Land Transportation, ang trip cutting ng PUJ, Public Utility Bus o UV Express ay may multang P5,000 sa unang paglabag, P10,000 multa at 30 araw na impounding ng sasakyan sa ikalawang paglabag at P15,000 multa at kanselasyon ng prangkisa sa ikatlong paglabag.

Nilinaw naman ni Moreno na ang naturang suspensyon ay magiging pansamantala lamang at hahayaan na niya ang LTFRB na magdesisyon sa duration ng suspension sakaling aprubahan ng mga ito ang kaniyang proposal.

“Ipakikisuyo ko sainyo.. Eh halimbawa masuspinde sila ng isang araw, masuspindi sila ng dalawang araw, I really wanted to get their attention that he city government is serious in protecting the riding public,” ani Moreno.

“Makikisuyo lang ako, konting patawad. Magkakaroon tayo ng konting sakripisyo, marere-align yung byahe natin, ibig sabihin imbis na dire-diretso, may iba naman na mga sakayan,” dagdag pa niya.

Una nang nakipagdayalogo si Mayor Isko noong Hulyo 9 sa mga jeepney driver kung saan ay umapela siyang huwag mag cutting trip ang mga ito.

Aniya, ang pagpuputol ng biyahe ng mga jeep ay nagdudulot ng perwisyo sa mga commuter dahil napipilitan ang mga ito na maglakad ng malayo o magbayad ng halos doble ng dapat na pamasahe.