Enrollment sa June 1 at pagbubukas ng klase sa August 24, tuloy ayon sa Palasyo

Enrollment sa June 1 at pagbubukas ng klase sa August 24, tuloy ayon sa Palasyo

Magpapatuloy ang pagsisimula ng enrollment para sa mga pampublikong paaralan sa June 1, 2020.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tuloy ang nauna nang itinakdang petsa ng Department of Education (DepEd) para sa enrollment ng mga mag-aaral.

“Tuloy po yan dahil hindi naman po tayo pupuwede na walang preparasyon,” ani presidential spokesperson Harry Roque.

Una nang sinabi ng DepEd na gagawin ang enrollment sa mga pampublikong paaralan mula June 1 hanggang June 30, para sa school year 2020-2021.

“Sa atin po, kailangan tuloy pa rin ang preparasyon pero gaya ng aking nasabi, ayan po, sumipa po ang numero ng COVID-19 cases. Madali naman po ‘yang ‘wag ituloy. Naghahanda po tayo sa possibility ng both face-to-face at saka blended learning,” paliwanag ni Roque.

Sinabi ni Roque na ang pahayag ni Pangulong Duterte na “no vaccine no classes” ay para lamang sa face-to-face classes.

Giit ni Roque, pwedeng ituloy pa rin ang klase gamit ang blended learning at online classes sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng quarantine sa August 24 kung saan tuturuan ang mga estudyante sa pamamagitan ng internet, radyo at telebisyon.

Samantala, malaya ang mga magulang na ilipat sa probinsiya ang mga anak nilang mag-aaral para doon mag-enroll ngayong pasukan.

Ito ang hinayag ni Roque sa harap ng kagustuhan ng mga magulang sa rehiyon na dalhin ang kanilang mga anak sa probinsya, kung saan maliit ang banta ng COVID-19.

Sinang-ayunan ni Roque ang naturang pananaw ng mga magulang.

“Hindi mo naman masisisi ang mga magulang dahil talaga namang sa probinsya ay mas maliit ang banta ng COVID-19 kaysa dito sa Metro Manila,” dagdag niya.

Bukod dito, naaayon aniya ang plano ng mga magulang na iuwi sa probinsiya ang mga anak dahil sinusulong din ng gobyerno ang “Balik Probinsya” program.

Karapatan aniya ng mga estudyante na makapag-aral, at bagaman may mga pagbabagong ipaiiral ngayong pasukan ang DepEd, nasa mga magulang ang pagpapasya kung ano ang sa tingin nila’y makakabuti para sa edukasyon ng mga anak.

NO VACCINE, NO CLASSES

Matatandaan na inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address na hindi niya papayagang magbalik sa physical classes ang mga estudyante hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID 19.

“I will not allow the opening of classes na magdikit-dikit ‘yang mga bata. Bahala ng hindi makatapos, for this generation, wala nang matapos na doktor at engineer. Wala ng aral, laro na lang,” ayon sa Pangulo

“Unless I am sure that they are really safe, it’s useless to be talking about the opening of classes. Para sa akin, bakuna muna. Kapag nandiyan ‘yong bakuna, okay na,” dagdag pa nito.

Hinimok din ng kongreso ang gobyerno na ipagpaliban ang August 24 na pagbubukas ng klase hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19.