Pangulong Duterte, tiwalang malinis si P/LT. Col. Jovie Espenido; pagkakasama sa drug watchlist, black propaganda lang

Pangulong Duterte, tiwalang malinis si P/LT. Col. Jovie Espenido; pagkakasama sa drug watchlist, black propaganda lang

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na malinis at walang batik ang record ni Police Lt. Col. Jovie Espenido sa kabila ng ulat na kasama ang pangalan nito sa narco list ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng pagkumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kasama ang pangalan ni Espenido sa listahan at vina-validate na nila ito.

Hindi inaalis ng Palasyo ang posibilidad na may ikinakasang black propaganda laban kay Espenido para sirain ang reputasyon nito sa mata ni Pangulong Duterte at para pahinain ang kampanya laban sa illegal na droga.

“President Rodrigo Roa Duterte believes that Police Lt. Col. Jovie Espenido is clean. There appears to be a black propaganda waged against Espenido to besmirch the reputation of the latter in the eyes of PRRD and the Filipino nation, and to derail his unrelenting campaign against illegal drugs,” ayon kay Panelo.

Sinabi ng kalihim na patuloy na nagtitiwala si Pangulong Duterte kay Espenido at hindi ito naniniwala sa akusasyon na sangkot ang opisyal sa iligal na droga.

“Lt. Col. Espenido continues to enjoy the trust and confidence of the President. PRRD believes that the reports of his alleged involvement in prohibited drugs are untrue,” dagdag pa ni Panelo.

Matatandaang mismong si Pangulong Duterte ay bilib sa opisyal dahil naitumba nito ang dalawang alkalde na pinaniniwalaang sangkot sa illegal drug trade sa Visayas at Mindanao.