in

M/S Europa, dumaong sa Tagbilaran Port; ikatlong international cruise ship na dumaong sa Bohol ngayong 2019

Tumaas ang ekonomiya at bilang ng mga turista sa Bohol matapos na maiayos ang Tagbilaran Port.

Sa loob lamang ng tatlong buwan, umabot na sa tatlong international cruise ship ang dumaong sa pangunahing pantalan ng Bohol na Tagbilaran Port.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), Marso 20, dumaong sa M/S Europa lulan ang 322 na mga dayuhang turista.

Ito ang ikatlong international cruise ship na dumaong sa pantalan matapos ang pagbisita ng M/S Europa 2 at M/S Pacific Venus nitong Enero 2019.

Sa unang mga buwan pa lang ng 2019, nakapagtala na ng 129% na paglobo sa bilang ng mga dayuhang turistang bumisita sa Bohol.

Bukod pa ito sa 20% pagtaas sa domestic passenger traffic na isang patunay ng lumalakas na turismo sa lalawigan.

Bago nito, ininspeksyon noong Oktubre 2018 nina Transportation Secretary Arthur Tugade, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago at PMO Bohol Port Manager James Gantalao ang Tagbilaran Port upang siguruhing maayos, malinis at nagdudulot ito ng maginhawang serbisyo sa mga biyahero.

Kaya naman patuloy ang pagpapaunlad ng DOTr, PPA at iba pang ahensya ng gobyerno sa mga pantalan gaya ng Tagbilaran Port upang mapaibayo ang connectivity at mobility ng publiko at maiangat ang mga lokal na ekonomiya.