≡ Menu

Pilipinas, planong isumite ng PHISGOC sa hosting bid para sa 2030 Asian Games

Pilipinas, planong isumite ng PHISGOC sa hosting bid para sa 2030 Asian Games

Nagpahayag si Southeast Asian Games organizing committee (PHISGOC) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano ng kagustuhan na mag-bid ang Pilipinas para sa hosting ng 2030 Asian Games.

Sinabi ni Cayetano na kokonsulta siya kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa planong pag-bid para dito gawin sa bansa kompetisyon.

Hindi pa naman aniya ang susunod na gobyerno ang mamumuno sa hosting ng 2030 Asian Games kundi ang pangalawa pang administrasyon matapos ang Duterte administration.

“I’m preparing a long memo to the President and I talked to the POC (Philippine Olympic Committee) president kagabi, kay Congressman Bambol Tolentino, he will write—and ask if we can bid and if we do win that bid, ang magho-host hindi pa nga next admin, the admin after next batch,” ani Cayetano.

“Puwedeng gawin natin, ilalagay ko sa memo puwedeng ‘yung head ngayon ng Duterte sports, whoever it is, ipasa kung sino ang next administration then sa pangatlo,” dagdag nito.

Ang pahayag ni Cayetano ay matapos ang suhestyon ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong ng China na mag-host ang bansa ng mas malaking sporting events dahil sa matagumpay na hosting ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Iginiit pa ni Cayetano na mas maganda ang pag-host sa Asian Games dahil hindi kailangang nasa iisang lugar ang venue.

Maaari anyang magtayo ng sports facilities sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa palaro.

“So for Asian Games you can actually build Visayas-Mindanao facilities and Southern and Northern Luzon. Kasi tayo hindi tayo talaga magbi-build unless sigurado tayong may dadating, ganun minsan ang ugali natin. So maganda na meron tayong tina-target 10 years from now,” ani Cayetano.

Dagdag pa ni Cayetano na malaking bentahe rin sa bansa ang hosting ng sports competitons dahil nagpapasok ito ng pera at trabaho.

“So industriya, malaking pera rin at trabaho ang papasok sa Pilipino kapag naayos ang ating sports tourism at sports-related,” giit ni Cayetano.

Sakaling manalo sa planong pag-bid, ito ang ikalawang pagkakataon na host ang Pilipinas ng Asian Games matapos itong ganapin sa bansa noong 1954.