LP supporter at uploader ng ‘Bikoy’ videos na si Rodel Jayme, handang isiwalat ang nalalaman

LP supporter at uploader ng ‘Bikoy’ videos na si Rodel Jayme, handang isiwalat ang nalalaman

Masama umano ang loob ng lalaking gumawa ng website kung saan niya ina-upload ang video ni alyas Bikoy, na nagdadawit sa ilang pamilya Duterte sa droga.

Matapos madakip, sinabi ng lalaki na handa siyang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod nito.

Kinilala ang nadakip na si Rodel Jayme, ang sinasabing nasa likod ng website na metrobalita.com.

Naaresto si Jayme sa isang bahay sa Parañaque ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos umano ang mahigit isang buwang pag-iimbestiga at online surveillance.

Pero iginiit ni Jayme na hindi siya si Bikoy at hindi rin siya ang nag-upload ng video sa website dahil ipinagawa lang daw ang website na gagamitin umano sa kampanya.

“Nag-chat lang sa akin kung puwedeng makipagkita then nung nagkita kami sa Las Piñas, doon sinabi na kailangang gumawa ng website na gagamitin for posting article for campaign,” kuwento ni Jayme.

Nakilala raw niya ang kaniyang kontak noong 2015 para sa kampanya noong 2016. Naganap daw ang kanilang pagkikita nitong nakaraang Marso 31.

Ayon pa kay Jayme, ang sinabi sa kaniya na gagamitin lang website para sa kandidato ng Otso Diretso.

“Binigyan ko po ng access doon sa nagpagawa then April 2, no idea po ako, wala ako sa bahay nasa church po ako, biglang na-upload ‘yung video. Ang plano na sinasabi sa amin ay magtago daw po ng within one month dahil ang lumalabas ngayon lang mainit yan hanggang eleksyon. Dahil parang lalabas daw po yata si Bikoy bago mag-eleksyon,” saad ni Jayme.

“Nilaglag ako sa bagay na wala akong alam, na parang tinraydor ako. Kasi kung tutuusin in-upload nila ‘yung video na hindi man lang sinabi sa akin. Alam nilang nandyan ang pangalan ko dahil siyempre ang alam ko lang ay malinis ang intensyon ng pagpapagawa,” hinanakit niya.

Handa raw si Jayme na makipagtulungan sa NBI para ituro ang nasa likod ng website na ginamit ni Bikoy at naka-record daw sa kaniyang Facebook ang pag-uusap nila ng nagpagawa sa kaniya ng website.

“Isa sa bilin ay mag-delete ng conversation, pero hindi ko po gawain na mag-delete ng conversation. Alam kong puwedeng ebidensiya ‘yon kung may mangyari,” saad niya.

Susuriin naman ng NBI ang computer at laptop na ginamit ni Jayme para sa iba pang ebidensya.

Nahaharap ngayon sa reklamon cyberlibel si Jayme dahil sa mapanira ang mga video ni Bikoy na nag-ugnay sa mga kaibigan at kaanak ng Pangulo sa droga, na nauna na nilang itinanggi.