fbpx
≡ Menu

Leni Robredo, hindi sumipot sa Cabinet meeting ilang oras matapos italaga bilang drug czar ni Pangulong Duterte

Leni Robredo, hindi sumipot sa Cabinet meeting ilang oras matapos italaga bilang drug czar ni Pangulong Duterte

Hindi sumipot si Vice President Leni Robredo sa 43rd Cabinet meeting sa Malacañang.

Naganap ang Cabinet meeting ilang oras lamang matapos ang kanyang pagtanggap sa posisyon bilang co-chairman ng inter-agency committee on anti-illegal drugs (ICAD).

Ang pagtanggap ni Robredo sa posisyon ay nagbigay-daan para maging miyembro ulit siya ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mababatid na nagbitiw si Robredo noong 2016 bilang Housing secretary bunsod ng pagbabawal ni Pangulong Duterte na dumalo siya sa Cabinet meeting.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaari nang dumalo sa anumang Cabinet meeting si Robredo matapos ang panibagong appointment.

“She’s welcome. We have a Cabinet meeting today she can even join us. It goes without saying that you’re a member of the Cabinet then you are free to come to join us. But if she would want an invitation, well we can always give it to her,” ayon kay Panelo.

Para naman kay Robredo, kinakailangan umanong baguhin ang istratehiya at i-reassess ang kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno dahil sa kabiguan na pababain ang bilang ng drug users sa bansa.