≡ Menu

Tangkang pagpatay sa isang taxi driver sa Baguio City, sapul sa dashcam

Tangkang pagpatay sa isang taxi driver sa Baguio City, sapul sa dashcam

Nagtamo ng 18 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang isang taxi driver mula sa suspek na nagpanggap na pasahero sa Baguio City.

Pasado alas-12 ng madaling araw nang parahin ng lalaki ang isang taxi sa Naguilan Road papuntang Kisad Road.

Maya-maya pa ay makikita sa kuha ng dashcam video ang paghinto ng taxi at biglang pagsakal at pananaksak ng pasahero sa driver na si Rene.

“Tinanong ko s’ya kung anong kasalan ko. Sabi niya pasensya na, trabaho lang. Pinagutusan lang ako sabi nya,” kuwento ni Rene.

Walang nakarinig sa sigaw ng driver kaya’t nanlaban ito hanggang sa tumakas na ang lalaki.

“Nung hahabulin ko sana, ang narinig ko, ‘ay iba pala sabi n’ya, mali”,” sabi ni Rene.

Ibinahagi sa social media ng Baguio City Police Office ang kuha ng dashcam pati na ang larawan ng lalaki para agad na matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan.

“Walang holdup na nakikita naming motive. Parang may nag-hire sa kanila parang ganun ang lumalabas pero yung suspect identified na,” ani Police Major Francisco Cacas Jr.

Hawak na ngayon ng awtoridad ang suspek matapos nitong pumunta sa himpilan ng pulisya kung saan dito na niya inamin ang kanyang kasalanan.

Kinilala ang suspek na si Juan Carlo de Peralta, 33-anyos, residente ng Baguio, at kasalukuyang nakapiit sa Baguio City Jail.