Health Sec. Francisco Duque, aapela kay Pangulong Duterte na huwag ipahinto ang mandatory face shield sa publiko

Umuugong ang balita ngayon na aapela umano si Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipahinto ang mandatory face shield sa publiko.

Ito’y sa kabila ng sinabi ng Pangulo na para lang sa ospital ang face shield, batay sa tweet ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Paliwanag ni Duque, kaunti pa lang ang bilang ng mga mababakunahan sa bansa, at mas maganda umano na may dagdag na proteksyon sa COVID-19 kaysa mabawasan ito.

“Of course we will follow PRRD’s (President Rodrigo Roa Duterte) directive but I believe we can still appeal. We will take this up at the IATF meeting,” giit ni Duque.

“Any layer of protection is better than less protection,” dagdag pa niya.

Matatandaan na kahit si Health Undersecretary Leopoldo Vega ay sinabing hindi kailangang mag-face shield kapag nasa outdoor setting, at isusuot lamang ito sa mga mall at iba pang establisimyento.

“Ang faceshield kailangan naman talaga ‘yan kapag nasa indoor ka, kapag nasa mall ka or may interaction ka na face-to-face interactions inside pero kapag nasa outside naman kasi alam naman natin na ang risk of transmission is very low at lalong-lalo kapag naglalakad ka lang sa kalye o nagtatrabaho kasi maka-affect ang moist nito so pwede tanggalin ‘yan,” ani Vega.

Nguni’t sinabi rin naman ni Vega na dahil mas mabilis ang hawaan sa mga enclosed setting gaya ng opisina, mall at restaurants, kailangan pa rin ang dagdag na proteksyon na faceshield.

“Pero kapag pumasok kayo sa mga indoors, kailangan may face shields kasi ito ay added protection para hindi maka-transmit or mahawaan kayo,” dagdag niya.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, pag-uusapan sa meeting ng Inter-Agency Task Force ang tungkol sa pagsusuot ng face shield.

Ngayong araw lamang ay kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na pumayag si Pangulong Duterte na ihinto ang obligadong pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar at halip ay sa mga ospital na lang ito gagamitin.

“I can only confirm what Senate President Tito Sotto and what Senator Joel Villanueva said earlier, that the President did say that the wearing of face shields should only be in hospitals,” ayon kay Roque.

“What the President has decided, then that’s the policy. The discussion also focused on mayroon ba talagang ibang bansa na nagpapasuot ng face shield. Let’s leave it at that kasi ‘yon lang ‘yong talagang words that came out of the President’s mouth,” dagdag pa niya.