DI LANG ONLINE SELLER: YouTubers, Bloggers, at Filmmakers, kailangang magparehistro sa BIR para mapatawan ng tax

DI LANG ONLINE SELLER: YouTubers, Bloggers, at Filmmakers, kailangang magparehistro sa BIR para mapatawan ng tax

Maniningil na rin ng buwis ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kumikita mula sa online advertisement dahil sa kanilang social media platform.

Inihayag ito ng BIR sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Biyernes kung saan nagbigay ng briefing ang ahenya hinggil sa memorandum circular nito na nagpapataw ng buwis sa mga Blogger, YouTuber, at Filmmaker na kumikita galing sa mga nagpapa-advertise sa kanilang online channel.

Kinumpirma ito ni BIR Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa matapos tanungin ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kung sino ang mga taong saklaw ng naturang circular.

“Is it true that bloggers, filmmakers and those earning from digital ads are also covered by this memorandum?” tanong ni Castro.

“Yes, bloggers and others earning digital ads are also required to register their business,” tugon naman Guballa.

Nakasaad sa BIR Memorandum Circular No. 60-2020 na kailangang magbayad ng buwis ang mga taong may transaksyon sa anumang uri ng electronic media at binigyan din nito ng abiso ang mga hindi pa rehistradong negosyo. 

Inilabas na ng BIR ang listahan ng online merchants na kailangang magparehistro sa ahensya.

Nabatid na ipinag-utos ng BIR sa higit 120 Revenue District Officers (RDOs) sa buong bansa na ilabas ang certificate of registration sa mga digital seller ng goods at services sa loob ng isa hanggang dalawang araw pagkasumite ng application.

Sa taya ng BIR, nasa anim na milyong big, medium at minimal digital merchants ang nag-ooperate sa bansa.

Ang mga digital merchants na kailangang magparehistro ay mga sumusunod:

  1. E-Commerce Platform Providers
  2. Internet Retailers ng Consumer Goods
  3. Digital Service, Membership at Subscription
  4. Digital Transaction sa pamamagitan ng Electronic Platforms at Media
  5. Online Blogging, Filmmakers na kumikita mula sa advertising ng kanilang online channels
  6. Ride-Hailing Services para sa food, transportation, delivery, o merchandise.

Binigyan ng hanggang katapusan ng Hulyo ang mga online seller at iba pang e-commerce platform para maisaayos ang kanilang mga registration sa BIR.