≡ Menu

Leni Robredo, pinagpapaliwanag ang gobyerno ukol sa nararanasang water shortage sa Metro Manila

Leni Robredo, pinagpapaliwanag ang gobyerno ukol sa nararanasang water shortage sa Metro Manila

Nanawagan si Vice President Leni Robredo na matugunan sa lalong madaling panahon ang problema sa nararansang water shortage sa Metro Manila, lalo sa gitna ng mga tanong tungkol sa pagpapatakbo at pagpa­patayo ng mga dam na pinagkukuhaan ng tubig.

“Iyong tanong nga, ano ba talaga? Ano ba talaga ‘yung kwento? Gusto sana nating marining sa pamahalaan bakit ba tayo umabot sa ganito,” pahayag ni Robredo sa kanyang programa sa radyo na BISErbisyong Leni.

Umaasa si Robredo na mahahanapan ng solusyon ang problema at mapapanagot ang sinumang responsable sa nararanasang krisis sa tubig.

Samantala, ipinagtataka rin ni Robredo kung bakit mas pinili ng gobyerno ang pagpapagawa sa Kaliwa Dam sa halip sa ituloy ang pagpapagawa sa dam sa ilalim ng public-private partnership (PPP) project na nauna nang inaprubahan noong 2014.

“Ang 85%, utang natin sa China, 15% tayo iyong gagastos. So, hindi ko talaga alam, kung bakit mas gugustuhin nating umutang kaysa wala tayong gagastusin. Kasi noong 2014, iyong approved na project, talagang walang gagastusin iyong gobyerno… Bakit uutang tayo na puwede naman na hindi tayo gagastos?” giit ni Robredo.

Sa ilalim umano ng PPP, walang gagastusin ang gobyerno hindi gaya sa Kaliwa Dam na 85% ay utang sa China habang 15% ang magiging gastos ng pamahalaan.

Umapela din si Robredo sa mga opisyal na haharap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Service na maging transparent hinggil sa nararansang water shortage.

“Sana bukas maging transparent lahat. Sana ‘yung dapat maging accountable, maging accountable, sana solusyon ang hanap,” ani Robredo.