in

PHIVOLCS, nagbabala sa posibleng magnitude 8 na lindol kasunod ng 600 aftershocks sa Surigao del Norte

Binabantayan ng Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad ng magnitude 8 na lindol matapos yanigin ang Surigao del Norte kamakailan.

Ayon sa PHIVOLCS, ito ay matapos ang mahigit sa 600 aftershocks kaugnay sa magnitude 5.5 na lindol na tumama sa Surigao del Norte.

Sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na tinatawag na earthquake swarm ang kumpol-kumpol na lindol.

Dalawa umano ang posibilidad na mangyari, unang-una umano ay ang earthquake swarm habang hindi naman inaalis ang senaryo ng magnitude 8 kung saan babantayan din umano ang tsunami.

“Kasi ‘pag mga ganyang kumpol-kumpol na lindol, although may 5.5, marami mga magnitude 5 or 4, parang tinatawag naming earthquake swarm ‘yan at dalawa ang possible diyan eh, unang-una, ganyan lang yan na earthquake swarm—nangyari ‘yan diyan sa ibang bahagi ng Philippine trench, off shore din ng Surigao del Norte, nung early this year, nagkaroon ng magnitude 6-something diyan sa katapusan ng activity—or minsan ay ganyan lang, ganyan lang kaliit,” ani Solidum.

“Pero hindi natin inaalis na, kasi ang mga scenario natin diyan mga magnitude 8, na kung ganyan ang mangyayari na malakas eh yung tsunami naman ang ating babantayan,” dagdag pa niya.

Samantala, pinaalalahanan ni Solidum ang publiko na maging handa sa oras na magkaroon pa ng malakas na pagyanig at pinayuhan ang coastal communities na i-review ang kanilang coastal preparedness.

“Although di natin masasabi kung talagang ito’y dederetso sa ganun, sana hindi, ang kadalasan ay tumitigil lang na ganyan lang pero we don’t know so we have to be prepared always,” saad ni Solidum.

“Ang binabantayan po namin kung may pattern, mahirap magsabi na may pattern sa ngayon, ang pattern po na dumadami at lumalakas, may ibig sabihin ‘yon baka tumuloy sa malaki, eh wala pa kaming nakikita na pattern; pero kahit wala pong pattern, minsan sumusulpot yung malaki,” dagdag pa niya.