‘TINGIN NAMIN LIGTAS’: Duque sa pagbubukas ng klase sa Agosto kung susundin ang minimum health standards

‘TINGIN NAMIN LIGTAS’: Duque sa pagbubukas ng klase sa Agosto kung susundin ang minimum health standards

Sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magiging ligtas ang pagbubukas ng mga klase hangga’t wala pang bakuna sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), giniit naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque na ligtas pa rin ang “face-to-face” classes sa pagsapit ng ika-24 ng Agosto ngayong taon.

“Pag-aaralan po natin maigi ito pero sa ngayon po tingin namin ay ligtas naman po kung bubuksan natin ang klase sa August 24,” paliwanag ni Duque sa virtual Senate hearing.

Ayon kay Duque, ligtas magbukas ang mga paaralan basta’t masunod ang minimum health standard tulad ng pagsusuot ng face mask at pag-disinfect.

“Ang kinakailangan lang po rito siguraduhin lamang ang lahat ng ating minimum standards for health ay nakatalaga. Ito po ‘yung physical distancing, frequent washing of the hands, disinfection ng mga silid-aralan at sinisiguro na ang alcohol, sanitizers andiyan din po,” ani Duque.

“We hope the vaccines will be available the soonest possible time. But habang wala pa, siguraduhin lang natin ang minimum health standards are met to mitigate the risks to our school children,” aniya pa.

Halos ganito rin ang tingin ng Department of Education (DepEd), na giniit na hindi mahihintay ng mga paaralan na makadiskubre ng bakuna sa COVID-19 bago magsimula ang mga klase.

Nabatid na iginiit ni Pangulong Duterte na dapat manatiling suspendido ang klase hangga’t hindi pa nagiging available ang bakuna para sa COVID-19.

“I will not allow the opening of classes na magdikit-dikit ‘yang mga bata. Bahala nang hindi na makatapos. For this generation walang makatapos na doktor pati engineer,” giit ng Pangulo.

“Wala nang aral, laro na lang unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about the opening of classes. Para sa akin, bakuna muna,” dagdag pa nito.

Payo ni Duterte kay Duque

Samantala, pinayuhan ni Pangulong Duterte si Duque na huwag pansinin ang mga kritisismo.

Ito ay kasunod ng mga batikos kay Duque at mga panawagan na magbitiw o palitan na siya sa pwesto dahil sa umano ay hindi magandang performance nito sa paglaban sa COVID-19 crisis sa bansa.

Sinabihan ng Pangulo si Duque na dahil tayo ay nasa demokrasyang bansa ay normal ang mga batikos.

Magugunitang 14 na senador ang naghain ng resolusyon para ipanawagan ang pagbibitiw ni Duque sa pwesto.

Maging ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na binubuo ng 744 doktor ay sumulat kay Pangulong Duterte para hilinging palitan si Duque bunsod nang pagiging incompetent nito sa pagharap at pagtugon sa health crisis na dinaranas ng bansa.

“The PHAPI, an association of 744 member private hospitals, now respectfully requests for the replacement of Dr. Franciso T. Duque III as DOH Secretary and Chairman of PhilHealth and appoint someone who can deliver the goods better in addressing the health concerns of the country,” bahagi ng sulat ng PHAPI.