in

Paolo Duterte, may hinala kung sino ang mastermind sa video na nag-uugnay sa kaniya sa droga

Tinawag na imbento ni presidential son Paolo “Pulong” Duterte ang kumakalat na video sa social media na nagpapakita sa isang lalaki na nag-uugnay sa kaniya sa mga sindikato ng droga.

Sa anim na minutong video na may pamagat na “Ang Totoong Narcolist – Episode 1”, ipinakita ng narrator ang listahan ng mga tumatanggap ng kickbacks at halaga ng kanilang nakukuha na idinedeposito sa umano’y bank accounts ng mga drug lord at kanilang code names.

Sa Facebook post naman ni Pulong, binanatan niya ang may inisyal na “J.S.” na siya umanong nasa likod ng imbentong video na kumakalat sa social media na nag-uugnay sa kanya sa sindikato ng iligal na droga.

“POLO DELTA- PAOLO DUTERTE? WOW ha kung makaimbento ka wagas. Galit ka kay Waldo (Carpio) kasi binabara niya lahat ng smuggling mo ng bigas at asukal diba J. S.,” banat ni Duterte.

“Galit ka sa akin kasi di kita pinansin sa eroplano kasi hambog ka! Ngayon pansinin na kita kasama ng kamay ko na kasing laki ng mukha mo pag nangyari yan. Yan ang totoong balita!” dagdag pa niya.

Tinawag naman ng Malacañang na isang uri ng black propaganda ang video.

Para kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, walang kuwenta at kabalbalan lamang ng mga kritiko ang nasabing video.

Samantala, kinuwestiyon ni PNP Chief Oscar Albayalde ang video na hindi raw tatayong ebidensya kahit pa iprisinta sa korte.

“We question the timing also dahil eleksyon po ngayon at kung napaka very unlikely sabi ko nga ngayon lang ako nakakita kung saan merong tara ay nasa formal report pa. Very unlikely na gagawa ka ng formal report at pipirmahan ng kung sino-sino,” ani Albayalde.

Batid na rin umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang video pero sa ngayon ay hindi raw ito sapat para pagsimulan ng imbestigasyon.

“It’s just like any other post in social media not unless po they will provide us or furnish us or any other law enforcement agencies with the copies of the documents they are pertaining to, mahirap pong manghusga o magsabi tungkol diyan sa mga sinasabi po nila,” paliwanag ni Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0

Leave a Comment