fbpx
≡ Menu

Robin Padilla, dumepensa sa kapwa aktor na sumama sa Russian trip ni Pangulong Duterte: Mukha ba kaming walang pera?

Robin Padilla, dumepensa sa kapwa aktor na sumama sa Russian trip ni Pangulong Duterte: Mukha ba kaming walang pera?

Napikon at pinagtanggol ni Robin Padilla ang kapwa niya mga celebrity na sumama sa limang araw na pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia matapos akusahan ang mga ito ng paggamit sa pondo ng gobyerno.

Sa video na ibinahagi sa Facebook account ni Philip Ipe Salvador, dinepensa ni Robin sina Cesar Montano, at Moymoy Palaboy.

“Kailangan kong ipagtanggol ‘yung mga kaibigan ko. Nagbabasa ako kanina, may mga nakikita ako diyan, binabanatan niyo si Kuya Ipe, si Cesar Montano at si Moymoy, bakit sila nasa Russia,” panimula ni Robin.

Giniit ni Robin na hindi nagpalibre sina Cesar, Philip at Moymoy sa naturang biyahe dahil sila mismo ang gumastos sa kanilang biyahe papuntang Russia.

“At kung sasabihin po ng mga bumabatikos na ito na ‘yung mga kaibigan ay binili, nilibre ng pamasahe, hindi po totoo ‘yan. Kami ang bumibili ng pamasahe po namin. Ang mga hotel namin, ang nagbabayad niyan, kami,” ani Robin.

“Mukha ba kaming walang pera?” Pambihara naman kayo. May pera po kami at ‘yung perang ‘yan ay gift sa amin ‘yan ng mga taong sumusuporta sa amin,” dagdag pa niya.

Pinunto rin niya na kapag sumasama sila kay Pangulong Duterte para mag-entertain ng Filipino community nang walang bayad o talent fees.

“Nagpupunta kami, sumasama kami kay Presidente, hindi dahil sa kung anu-anong official business. Sumasama kami dahil para sa mga Pilipino, tandaan niyo po ‘yan. Ini-entertain namin ang mga Pilipino na walang bayad. Naintindihan niyo ‘yun?” aniya pa.

“Yung mga bumabatikos, kayo ba nagbabayad ng tax? Bago niyo tirahin si Kuya Ipe, bago niyo tirahin si Cesar, bago niyo tirahin si Moymoy at mga ibang artista, maglabasan nga tayo kung magkano ibinabayad natin sa tax? Hinahamon ko kayo,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay nakunan ng litrato sina Phillip at Cesar na may bitbit na shopping bags na naglalaman ng rubber shoes na pasalubong sa kanilang mga mahal sa buhay, kaya inaakusahan sila na pera ng bayan ang ginastos nila sa Russia trip.

Natukoy na nina Phillip at Cesar ang nag-post sa social media ng kanilang stolen shot image — ang empleyado ng isang television network sa Pilipinas na tila may ibang motibo.

Dahil kung nag-imbestiga raw ito nang mabuti, malalaman nitong sale at mas mura sa Russia ang presyo ng mga sapatos na binili ng dalawang aktor.

Ang larawan nina Phillip at Cesar na may mga dalang shopping bags ang dahilan para madagdagan ang mga batikos laban sa kanila kaya ipinagtanggol sila ni Robin.