Telco company na mabagal ang internet connection sa Pilipinas, ipapahinto raw ni Pastor Apollo Quiboloy

Telco company na mabagal ang internet connection sa Pilipinas, ipapahinto raw ni Pastor Apollo Quiboloy

Nadismaya si Pastor Apollo Quiboloy sa mabagal na internet connection sa Pilipinas.

Dahil dito, sunod umano niyang ipagdadasal ang pagpapatigil ng operasyon ng mga telecommunication company gaya ng Globe Broadband, Smart Communications, at PLDT.

Giit ni Quiboloy na mas malala pa ang bagal ng internet sa Pilipinas kung ikukumpara sa Ukraine, sa kabila na mas mayaman ang bansa rito.

Mas mabuti umanong palitan ang mga mababagal na telecommunication company sa Pilipinas ng mas mabilis na telco na magbibigay ng murang internet connection sa mga Pilipino.

“Smart, Globe, PLDT, o mga may-ari ng mga telco. Mahiya naman kayo. Sa buong mundo, tayo ang pinakamabagal. Tapos ang laki-laki pa ng singil niyo. ‘Yung bansang Ukraine lang, ang WiFi libre, ang bilis pa. Mayaman pa tayo sa Ukraine,” ani Quiboloy.

“Mabagal kayo. Ipa-stop na siguro natin ‘yang mga telco niyo. Palitan ng iba na mas mabilis at mura o kaya libre. Dalangin ko ‘yan ha. Gagawa ng paraan ang Ama. Mga telco na mabagal, STOP! Mga telco na mabilis, COME IN!” dagdag niya.

Naging usap-usapan sa social media si Quiboloy matapos niya raw ipahinto ang lindol sa Mindanao noong nakaraang taon.

Kumasa rin ito sa hamon ng TV host at comedian na si Vice Ganda tungkol sa pagpapatigil ng longest-running teleserye ni Coco Martin na “Ang Probinsyano” at pagtuldok sa matinding trapiko sa EDSA.

SINERMUNAN SI VICE GANDA

Matatandaan na noong nakaraan taon, ginawang katatawanan ni Vice Ganda sa kanyang programang “It’s Showtime” sa ABS-CBN ang pagsigaw ni Quiboloy ng “STOP!” sa tumamang lindol sa Metro Manila.

Sa isang punchline sa joke ni Vica Ganda noon, hinamon niya si Quiboloy na kung puwede ay ipa-“STOP” na rin ang traffic sa EDSA at pati na rin ang isa sa mga longest running teleserye ng ABS-CBN.

Ngayun daw na wala na ang programa ni Vice Ganda pati na ang network, maging ang traffic sa EDSA dapat daw ay masaya ito dahil natupad lahat ang hamon na ginawa niya.

“Ngayon naniniwala ka na, karma is real. Bumalik sa iyo, ‘di ba? Ngayon umiiyak ka. Nalulungkot ka Vice dahil hindi mo mapigilang umiyak, dahil wala na ang mga programa niyo?” ani Quiboloy.

“Ang kayabangan, nakikita ng Diyos ‘yan. ‘Pag binigyan kayo ng pabor sa buhay, ‘wag kayong ganun. Nakita mo na, na may Diyos sa langit. Siya ang tumitimbang sa mga tao sa lupa, kung ano ang ginagawa nila,” dagdag pa nito.