fbpx
≡ Menu

$4.5-B ‘City Polaris’ project, isang world class city na itatayo ng Duterte administration sa Cagayan

Matapos pasimulan ng gobyerno ang panibagong syudad sa Tarlac City na tinatawag na “New Clark City”, isa na namang bagong syudad ang nakakasa na sa ilalim ng Duterte administration.

Isinagawa noong nakaraang taon ang groundbreaking para sa itatayong pinakamodernong syudad na tinatayang nasa $4.5 bilyon ang halaga kasabay ng ika-24 anibersaryo ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).

Ayon kay Secretary Raul Lambino, CEZA administrator at chief exe­cutive officer, ang proyekto na tinawag na “City Polaris” ay itatayo sa may 100-ektarya na lupain.

Papangasiwaan ng CEZA ang proyekto, na inaasahang makukumpleto bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat, walang gagastusin ang gobyerno sa naturang proyekto dahil mga pribadong kumpanya na naka-base sa Singapore ang sasagot sa pondo.

“Mayroong mga condominiums, mga shopping malls, mga theme parks na itatayo doon. And then, mayroong silang private villas na itatayo at townships to provide lodging or accommodations to the increasing number of investors coming in,” sabi ni CEZA Senior Deputy Administrator Usec. Raymundo Roquero.

Ang itatayong bagong siyudad ay malapit sa Palui Island. Balak daw ng pamahalaan na ipalit ito sa Boracay. Nakilala ang ang lugar nang ma-feature ito sa isang programa sa Estados Unidos noong 2013.

“Naging attraction tayo globally. Nalaman ng buong mundo na may paradise sa North Luzon na hindi pa na-discover. And we want to develop this island. In fact, 3 years ago, we were the only beach in South East Asia which was included in the top 10 in the world,” dagdag pa ni Roquero.

Matatagpuan sa modernong syudad ang mga itata­yong six-star hotels, casinos, golf courses, cyberpark for digital currency, business park, civic center, tertiary hospital, condominium buildings, premium villas, mga online gaming operations na gawa sa mga makabagong teknolohiya.

Inaasahan naman ng CEZA na dahil sa proyekto, dadagsa ang mga investors sa lugar at kasunod nito ang pagdagsa din ng mga trabaho para sa mga residente.

PANOORIN: ISANG VACATION/RESORT CITY ANG ITATAYO SA CAGAYAN PARA BAKASYUNAN NG MGA PINOY