Conchita Carpio Morales, hinarang sa Hong Kong airport dahil umano sa pagiging security threat

Conchita Carpio Morales, hinarang sa Hong Kong airport dahil umano sa pagiging security threat

Kasalukuyang nasa kustodiya ng immigration authorities sa airport sa Hong Kong si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Ayon kay Attorney Anne Marie Corominas, legal counsel ni Morales, tinawagan umano siya para ipaalam sa kaniya ang sitwasyon dating Ombudsman sa Hong Kong.

Batay sa mga ulat, idinitene si Morales sa Hong Kong Immigration sa Terminal 1 ng airport dahil umano sa pagiging “security threat” o banta sa seguridad pero hindi malinaw kung bakit ito naging banta.

Matatandaang sina Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario ang naghain ng reklamong “crimes against humanity” laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Lumipad papuntang Hong Kong si Morales para magbakasyon kasama ang kaniyang asawa, anak, at mga apo.

Pinabalik umano ang mga kasama ni Morales sa Pilipinas pero nagdesisyon ang mga ito na samahan ang dating Ombudsman.

Ayon naman kay Justice Sec. Menardo Guevarra, hindi maaaring kwestyunin ng gobyerno ng Pilipinas kung anuman ang rason ng Chinese immigration officials sa pagharang kay Morales.

PANOORIN: DATING OMBUDSMAN CARPIO MORALES HINARANG SA HONG KONG AIRPORT