Asong naabandona sa isla ng Taal Volcano, nahukay nang buhay matapos ang 15 araw

Asong naabandona sa isla ng Taal Volcano, nahukay nang buhay matapos ang 15 araw

Himalang nasagip ang isang aso na 15 araw nang nakabaon sa makapal na abo na galing sa pumutok na Taal Volcano.

Sa video ng netizen na si Germie Balba, makikitang binalikan ng kanyang kapatid ang kanilang bahay sa Barangay Pulangbato, sa bayan ng San Nicolas noong Lunes, 15 araw makalipas ang pagsabog ng Taal.

Ang Pulangbato ay isa sa mga barangay na nasa mismong pulo ng Taal Volcano.

Laking tuwa ng dalawang magkasama nang matapos nilang hukayin ang makapal na abo ay tumambad ang hawlang kahoy na kinalalagyan ng aspin na si “Idol.”

Dito ay winasak nila ang hawla at sinikap na mailabas si Idol na namayat na sa uhaw at gutom.

Kahit nanghihina, lumakad at tumayo ang aso at tinanaw ang kabuuan ng isla na tila naninibago sa kanyang kapaligiran.

Laking tuwa naman ng mga netizen sa pagkakaligtas kay Idol at sa pagmamalasakit ng dalawa na hukayin ang kinaroroonanng aso.

Sa ngayon ay total lockdown pa rin kasi ang isla ng Taal at pinagbabawal pa rin ang pagbalik at pagtungo doon ng mga residente.