fbpx
≡ Menu

Leni Robredo, tinanggap ang hamon ni Pangulong Duterte na maging anti-drug czar: Handa na ba kayo sa akin?

Leni Robredo, tinanggap ang hamon ni Pangulong Duterte na maging anti-drug czar: Handa na ba kayo sa akin?

Tinanggap ni Vice President Leni Robredo ang posisyon bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ayon kay Robredo, tinatanggap niya ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ito ang magiging pagkakataon para mahinto na ang mga pagpatay sa mga inosenteng buhay at para mapanagot ang tunay na mga may sala.

“At kahit sabihin na nating ang alok na ito ay pamumulitika lamang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya, at gagawin nila ang lahat para hindi ako magtagumpay, handa akong tiisin ang lahat ng ito. Dahil kung mayroon akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan,” ani Robredo.

Sinabi ni Robredo na batid niyang gagawin ng administrasyon ang lahat para hindi siya magtagumpay pero handa niya itong tiisin.

Ipinaliwanag ni Robredo na hindi siya nagpapahayag ng mga pagpuna sa war on drugs ng gobyerno nang dahil sa naghahabol siya ng puwesto.

“Mula simula, ang gusto ko ay ang maging maayos ang kampanya laban sa iligal na droga. Itigil ang pagpatay sa mga inosente. Panagutin ang mga abusadong opisyal tulad ng mga ninja cops at mga nagpalusot ng tone-toneladang shabu. Bigyan ng hustisya at boses ang mga pamilya ng mga pinaslang na walang kasalanan. Habulin ang mga malalaking drug lords na talagang sumisira sa ating lipunan, hindi lang ang maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto,” saad ni Robredo.

Tinanong rin ni Robredo ang mga makakasama sa ICAD kung handa na ba sila na makasama siya sa trabaho.

Hindi umano niya hiniling ang maging drug czar kundi ang ideya ay galing mismo kay Pangulong Duterte.

“Maraming nagpahayag ng pangamba na hindi sinsero ang alok, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at pahiyain ako. Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang ito sa akin ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war. Maraming nagsasabi na naghahanap lang ng damay ang administrasyong ito,” sabi ni Robredo.

“Hindi naman ako nagpahayag ng aking mga puna sa drug war dahil naghahabol ako ng puwesto. Hindi ko hiniling ito. Sa Pangulo nanggaling ang ideyang ito. Pero sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito. Kaya tinatanggap ko ang trabaho na binibigay sa akin ng Pangulo,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Robredo na nakahanda siyang gawin ang tungkulin bilang anti-drug czar katuwang si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino.

Nauna nang tinawag ng kampo ni Robredo na hindi seryoso ang alok para sa nasabing pwesto hanggang sa ilabas kahapon ng Malacanang ang isang executive order na pirmado ni Pangulong Duterte.

Bago ito ay binatikos ni Robredo ang war on drugs ng gobyerno na kailangan umanong baguhin ang ilang panuntunan dahil nauwi na ito sa mga kaso ng extrajudicial killings.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Robredo na hindi niya sinabing ihinto ang kampanya kontra sa droga kundi baguhin lamang ang ilag hakbangin sa pagpapatupad nito.

WATCH: Vice President Leni Robredo accepts her designation as co-chair of the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.