Heart Evangelista, nagbenta ng painting para ipambili ng 550 tablet na ipamimigay sa mga estudyante

Heart Evangelista, nagbenta ng painting para ipambili ng 550 tablet na ipamimigay sa mga estudyante

Sisimulan na ni Heart Evangelista ang pangako nitong pagbigay ng tablet para sa mga estudyanteng kapus-palad o walang pambili ng gadgets para sa online classes sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito’y matapos maibenta ni Heart ang ilan sa kanyang paintings kung saan ang lahat ng proceeds o kinita ay ang nagsilbing budget niya para ipambili ng mga tablet.

Nabatid na inanunsyo ng aktres ang nasabing planong pamimigay ng gadget, at inanyayahan ang mga interesado na magpadala lamang ng mensahe sa kanyang Instagram.

“For those who don’t have tablets for online school please DM me on Instagram… I will be giving away as much tablets as I can,” saad niya.

Sa Twitter nitong Sabado, ipinakita ni Heart ang litrato ng ipinagbiling artwork at ang nakahanda nang kahon-kahon ng gadgets.

“My struggles in life are unknown to many but art, fashion and expressing myself has always helped me cope with my not so fairytale life,” saad niya sa tweet.

Nasa 550 tablets ang nabili ng celebrity wife ni Sorsogon Gov. “Chiz” Escudero pero umapela ng pag-unawa sa lahat ng mga nagpadala ng mensahe sa kanya kung hindi agad mapansin.

“The time, hardwork and love that I put out in this artwork was well worth it as the proceeds have allowed me to purchase 550 tablets for angels,” dagdag niya.

Bukod sa tablet, patuloy rin ang alok ni Heart na libreng medical at financial aid sa kanyang Twitter page habang umiiral ang community quarantine.

Kaugnay nito, nagpaalala siya na, “Regarding tablets ok lang ba (is it okay) to message or tag me on Instagram? Not Twitter? Sorry po kasi ‘di ko makita yung ibang messages na need ng medical assistance.”

Nagsabi naman si Evangelista na pagbubutihin ng kanyang grupo ang sistema sa Instagram page upang mas marami pang mabasang mensahe mula sa mga nangangailangan ng gadgets.

Kung maaalala, bawal muna ang face-to-face classes hangga’t walang bakuna laban sa coronavirus kaya inirekomenda ng Department of Education (DepEd) ang “blended o distance learning approach” para sa class opening sa Agosto.

Pumasa na sa ikatlong pagbasa ng Senado ang panukalang ilipat sa Agosto ang simula ng klase dahil sa krisis sa COVID-19.

Nauna nang iginiit ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi magkakaroon ng face-to-face classes hangga’t hindi pa ligtas.

Iminungkahi rin ng Commission on Higher Education (CHED) na kung kakayanin ay magsagawa ng alternatibo paraan tulad ng e-learning, ngunit lumabas sa sumunod nilang ulat na 20% lang ng mga pamantasan ay may kakayanang gawin ito.