DepEd: Hindi puwede ang face-to-face classes hangga’t walang COVID-19 vaccine

DepEd: Hindi puwede ang face-to-face classes hangga’t walang COVID-19 vaccine

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na susunod sila sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pagsasagawa ng face-to-face classes hangga’t walang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, handa sila sa anumang hamon kaugnay sa nakatakdang implementasyon ng mga alternatibo sa pisikal na mga klase, gaya ng online o distance learning para sa nalalapit na pasukan.

“We thank the President for reiterating the national government’s willingness to assist us in our endeavor to offer alternatives to face-to-face learning despite the public health situation,” saad ni Briones sa isang pahayag.

“We will comply with the President’s directive to postpone face-to-face classes until a vaccine is available. We assure our parents, learners, stakeholders, and the President that we are preparing ourselves for this mission,”dagdag nito.

Ito ay pagkatig ni Briones sa naunang pahayag ni Pangulong Duterte sa naging panukala nito na walang klase hangga’t walang nade-develop na bakuna kontra sa COVID-19.

“Indeed, it is a challenging task for us at the Department of Education to prepare our schools in a different set-up but we are committed to our duty to make education available and thriving, even in the most difficult time,” ayon kay Briones.

“The Department is fully engaged in readying our operations based on our Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP), from the Central Office down to the school level. We are updating our policies, realigning our finances, and collaborating with our partners so that our goals of providing quality education and protecting the safety and health of our constituents will be achieved,” dagdag pa niya.

Una nang sinabi ni Briones na gagamitin ang iba’t ibang paraan ng pag-aaral para maihatid sa mga estudyante ang kanilang mga lesson.

“Radio, television, online and modular learning — which are pre-existing methods and were already used for decades — are being prepared and updated for this year. At the same time, teachers are being trained on utilizing newer platforms and innovative tools to aid their professional development,” anang kalihim.

Kamakailan nang sabihin ni Pangulong Duterte na duda raw ito sa kahandaan ng bansa para sa pagpapatupad ng distance learning sa pagbubukas muli ng mga klase sa Agosto.

“Maghintay ng vaccine. Walang vaccine, walang eskwela. Secretary Briones is insisting that there is an alternative there. She has a very good program for that, like teleconferencing. The technology is good. I don’t know if we are ready for that,” inihayag ng Pangulong Duterte.

6M ESTUDYANTE ANG NAKAPAG-ENROLL

Umaabot sa halos 6 milyong estudyante sa mga pampubliko at pribadong paaralan nationwide ang nag-enroll sa pamamagitan ng virtual enrollment sa unang linggo.

Ang enrollment ay isinagawa sa pamamagitan ng phone at online platforms, alinsunod sa pagbabawal ng physical activities upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nasa 1,600 naman ang mga katanungang natanggap ng Oplan Balik Eskwela at Brigada Eskwela joint team.

Kabilang sa mga itinawag sa kanila ang enrollment concerns, Learning Continuity Plan, School Policy and Operations at Examination at Senior High School Voucher concerns.

Umabot naman sa 1,460 ang naresolbang isyu rito ng Public Assistance Command Center mula June 1 hanggang June 4.

Sa pahayag ni Lyra Macada, ina ng Grade 5 student, naging convenient ang proseo ng enrollment, at ligtas pa ang kaniyang anak sa nararanasang pandemya sa bansa.

“Bilang isang magulang, napakalaking tulong sa akin ang isinagawang Remote Enrollment ng DepEd. Tinawagan ako ng dating class adviser ng aking anak upang maitala ang anak ko sa ikalimang baitang. Sa pamamagitan nito, mas mas nagiging madali ang enrollment at naisaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa dahil hindi ko na kinakailangan pang pumunta sa paaralan,” ayon kay Ms. Macada.

Umaasa naman ng gurong si Teacher Maria Victoria Guanzon ng Sagay City, Negros Occidental na patuloy ang gagawing kooperasyon ng mga magulang at mag-aaral sa ipinatutupad ng alintuntunin ng pamahalaan sa edukasyon.

“Sa mga mahal naming magulang at mag-aaral, sa panahon ng pandemic na ito kinakailangan po ang ating pakikiisa sa mga alituntunin ng ating pamahalaan at ng DepEd family. Huwag munang pumunta sa paaralan. Tawagan lang ang inyong mga guro para makapag-enrol,” anang guro.

“Bago sa lahat ang experience na ito at ang lahat ay nag-aadjust. Isa ring pasasalamat dahil sa willingness ng mga guro natin to adapt to this new normal. Masasabi ko na isa yun sa naka influence sa mga learners and parents para mag enroll. Kailangan nating ipag patuloy ang edukasyon ng mga bata kahit sa anong pamamaraan na kaya natin para sila maging produktibo,” giit naman ni Dr. Maria Cristina S. Marasigan, Principal of Tagumpay National HS, of Rodriguez, Rizal.

Sa inilabas na statement ng DepEd, para sa mga hindi makalalahok sa remote enrollment, laan ang huling dalawang linggo ng Hunyo para sa physical enrollment, nang may pagtalima sa health protocols at koordinasyon sa LGU.

Una nang inabisuhan ng DepEd ang mga paaralan na magsagawa ng alternatibong paraan ng enrollment sa pamamagitan ng text messaging o social media bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.