in

OFW na kauuwi lang ng Pilipinas, hinoldap ng airport taxi driver; holdaper, arestado sa follow-up operation

Isang OFW mula Hong Kong ang naperwisyo matapos holdapin ng isang taxi driver paglapag pa lang niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kuwento ng biktimang si Karen Mitschek, sumakay siya sa isang puting taxi sa NAIA Terminal 2, pero nang makalayo sa paliparan ay binantaan siyang babarilin ng taxi driver kung hindi ibibigay ang mga gamit niya.

“Sabi niya ‘yung cellphone ko ibigay ko… Sabi niya pagbaba ko ‘wag ako sisigaw kasi pag sumigaw ako at humingi ng tulong babarilin ako. Kakauwi ko nga lang po. Eight days lang po ako dito sa Pilipinas. Sabi ko sa driver ‘parang awa niyo na kararating ko lang po, hindi ko pa nakikita anak ko.’ Basta buhay ako kahit ano ibibigay mo na,” sabi ni Mitschek.

Ayon sa pamunuan ng NAIA, hindi na muna nila papayagan sa palipara ang mga taxi mula sa kaparehang operator ng holdaper.

“Nagbigay na ako ng kautusan na i-ban ‘yung buong fleet ng taxi na ‘yon dahil pasaway at peste ‘yan sa mga mananakay. Hindi ko nilalahat. May ilan talagang ganu’ng pangyayari but definitely we will act on it,” ani Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Naaresto naman sa isang follow-up operation ang suspek na si Orestes Quizon sa bahay nito sa Barangay CAA, Las Piñas City.

Ayon kay Simnar Gran, hepe ng Las Piñas Police, natunton nila ang suspek matapos makuha ang detalye ng operator at plate number nito na naunang nailista sa NAIA Terminal 2.

Dalawang araw pa lang na nagmamaneho ang suspek para sa operator nito, pero hindi inuwi ng driver ang taxi sa garahe sa nakaraang dalawang araw.

Iniwan na lang umano ang taxi malapit sa bahay ng suspek. Umaasa naman ang taxi operator na aalisin ng NAIA ang ban na ipinataw nito sa kanila.

Nagbigay naman ng paalala ang Las Piñas Police sa mga sasakay ng taxi.

“Dapat pagsakay ng taxi, text agad sa mag-anak, i-text ang plate number ng taxi at kung makikita natin mga ID ay maaari itong picture-an at i-send sa kamag-anak at kung may mangyari alam ng kamag-anak natin. Kung kayo ay ma-holdap agad ibigay alam sa himpilan para maireport agad,” sabi ni Gran.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0