≡ Menu

Franchise renewal ng ABS-CBN, malabo nang umusad sa Kamara; mapipilitan na itigil ang operasyon sa 2020

Franchise renewal ng ABS-CBN, malabo nang umusad sa Kamara; mapipilitan na itigil ang operasyon sa 2020

Ilang buwan na lang bago mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN ngunit tila walang balak ang Kongreso na madaliin ang pag-renew ng franchise ng TV network.

Sinabi ni House Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez na walang nakaiskedyul na hearing para umusad ang franchise renewal ng ABS-CBN ngayong 2019.

“Walang hearing sa December 10, walang hearing for the year,” lahad ni Alvarez.

Ayon mismo kay House Speaker Alan Peter Cayetano, alam naman daw ng ABS-CBN na uunahin ng Kamara ang budget at revenue bills.

“I reiterate that Congress would be fair, will always have a fair hearing. Alam naman ito din ng management ng ABS-CBN na uunahin namin ang budget atsaka mga revenue bills,” lahad ni Cayetano.

“Pero we have more than enough time to tackle it in January, February dahil March pa naman ‘yung expiration ng franchise,” aniya pa.

Sa Marso 2020 na mapapaso ang prangkisa ng ABS-CBN, ibig sabihin ay may tatlong buwan na lang para mailakad ang 25 year franchise renewal.

Nitong Martes ay giniit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makakalusot sa kanya ang ABS-CBN at sinabing out on air na ito sa susunod na taon.

“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaan na mainit si Pangulong Duterte sa nasabing TV network matapos na hindi umano ipalabas ang kanyang campaign ads noong 2016.