in

Panukalang batas na magbibigay ng libreng dialysis sa mga mahihirap, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang magbibigay ng libreng dialysis treatment para sa mga mahihirap na pasyente.

Sa botong 177, lumusot ang House Bill 9156 o Comprehensive Renal Replacement Therapy Act, na layong magbigay ng comprehensive renal replacement therapy (RRT) para sa mga pasyenteng may malalang sakit sa kidney o bato sa mga national, regional at provincial government hospital.

Sa ilalim ng batas, ang mga kuwalipikadong pasyente ay mapapasakop sa “No Balance Billing Policy” o hindi pagsisingil sa nagastos ng indigent patients, gayundin sa PhilHealth members na sumailalim sa medical treatment.

Palalawakin rin ang benefit package ng PhilHealth para sa kidney transplant therapy sa kapwa buhay at namatay na donor.

Gayundin ang PhilHealth coverage para sa kidney transplantation mula sa pag-evaluate at screening ng kidney donor at recipients hanggang sa mismong proseso ng transplant at matapos nito.

Inaatasan din dito ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na magkaloob ng natitirang kinakailangang sessions sa peritoneal dialysis at hemodialysis matapos magamit ng pasyente ang kanyang benefit package mula sa PhilHealth.