Rodel Jayme na isang LP supporter, tinukoy ng NBI na uploader ng “Bikoy” video laban sa pamilya Duterte

Rodel Jayme na isang LP supporter, tinukoy ng NBI na uploader ng “Bikoy” video laban sa pamilya Duterte

Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hinuli at nakakulong na ngayon sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Rodel Jayme na siyang nag-upload ng “Bikoy: Ang Totoong Narcolist” propaganda video.

Ang nasabing propaganda video ay nagdadawit sa ilang miyembro ng pamilya Duterte sa iligal na droga kasama ang menor-de-edad na anak ng Pangulo na si Kitty.

Sa isang press conference, sinabi ni Guevarra na si Jayme rin ang registered administrator ng website ng www.metrobalita.net na nagpapakilala bilang isang online news portal.

Ang nasabing domain rin ang naka-rehistro na nag-upload ng Bikoy video sa YouTube.

Natukoy si Jayme sa pamamagitan ng Google Adsence ID na isang unique protocol para sa mga online user na gumagamit ng serbisyo ng nasabing internet site.

Mababatid na ibinunyag din ng isang pro-Duterte blogger na si Sass Rogando Sasot ang pagkatao ni Jayme noong Abril 25.

“Metrobalita.net’s AdSense ID is 9287075011637877. Some of my readers were able to trace all the websites bearing that ID, which eventually led us to the identity of the person behind metrobalita.net. Out of fear for their lives, they asked me not to disclose the identities revealed,” saad ni Sasot.

“Google AdSense ID 9287075011637877 can also be seen in another online version of Metro Balita, when it was still a dot com instead of a dot net website. The domain registrant of the old dot com version is Rodel Jayme. This information is publicly accessible via WHOXY, an online tool that reveals the domain registration records of websites,” dagdag niya.

Si Jayme ay sinasabing operator rin ng ilang grupo na konektado sa ilang personalidad sa hanay ng oposisyon.

Kabilang sa kanyang mga naging trabaho ay administrator ng ilang anti-government online account na sinasabing pinonondohan ng ilang kritiko ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Guevarra na inaresto si Jayme noong madaling-araw ng Abril 30 ng mga tauhan ng NBI sa hindi sinabing lugar.

Siya ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano.

Samantala, sinabi naman ng NBI na hawak na nila ang computer at cellphone ni Jayme at kasalukuyang isinasailalim sa cyber forensic examinination para makuha ang detalye sa ilang mga personalidad na posibleng kasangkot niya sa kanyang ginawang pag-upload ng Bikoy video.

Bukod sa paglabag sa Anti-Cybercrime Law ay posibleng maharap pa sa mas maraming kaso si Jayme lalo’t may menor-de-edad na isinangkot sa nasabing video.