in

Pres. Duterte, okay sa ginawa ni NCRPO Chief Eleazar sa tiwaling pulis: I have his back covered

Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pananabon at panggigigil ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar sa isang tiwaling pulis na kinompronta nito dahil sa robbery extortion.

Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na walang masama sa ginawa ni Eleazar kahit pa sinabunutan nito at halos lamutakin ang mukha ng pulis na si Police Corporal Marlo Siblao Quibete sa harap ng media.

Ayon sa Pangulo, nasa likod niya si Eleazar dahil hindi kinukunsinti ang mga abusado at tiwaling pulis.

“Ilan na lang natitira na puro matitino na? Kaya itong pulis, everyday there’s always an idiot. Nahuhuli. ‘Yung isa was being ano ni Eleazar. He was criticized for that.”

“Sabihin mo kay Eleazar, okay ‘yun. Eh ano ba naman yung ganun-ganon? Sumasayaw nga sila ng tao. Sabihin mo I have his back covered,” ani Pangulo.

Si Quibete ay nahuli sa entrapment operation sa Pasig City habang nasa aktong tinatanggap ang P20,000 marked money mula sa live-in partner ng isang naarestong drug suspect.

Una nang humingi ng tawad si Eleazar sa kanyang ginawa at sinabing handa siyang harapin ang anumang reklamo na ihahain laban sa kanya.

“Hindi ko sinampal iyan, hindi ko dinibdiban. Tinataas ko ‘yung mukha niya. Hindi ko rin sinabunutan. Halos walang buhok nga eh, diba? Pero gusto kong makita ang mukha niya.”

“Yung dinuro, siguro dinuro. Pero ‘yung sinampal, hindi ko sinampal. Sinabunutan, hindi ko sinabunutan. Dinibdiban, hindi. Pero kinwelyohan ko, tiningala ko ang mukha at dinuro ko. Dapat lang. He deserves that. Humihingi ako ng paumanhin kung medyo hindi ako nakapagtimpi at nailabas ko ‘yung aking emosyon,” sabi ni Eleazar.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0

Leave a Comment